OFW NA INA NI FABEL PINEDA  ISINAILALIM SA SWAB TEST SAKA INESKORTAN PAUWI

Camilo Pancratius Cascolan

ILOCOS SUR -INIHA­YAG ni PNP Deputy Chief for Administration,  Lt.  Gen. Camilo Pancratius Cascolan, na kaniyang ipinasailalim muna sa COVID-19 test o reversed transcription -polymerase chain reaction (RT-PCR) ang overseas Filipino worker na ina ng rape victim na si Fabel Pineda bago ito ineskortan pauwi sa Cabugao sa nasabing lalawigan.

Ang pagsasailalim sa swab test kay Blessie Sinco,  ay bahagi ng health protocols para sa umuuwing OFW laban sa COVID-19 pandemic, ayon kay Cascolan.

Ang ginang ay nakauwi sa bansa noong Hulyo 13 mula sa Kuwait.

Ang swab sample mula kay Sinco ay agad namang dinala sa PNP Crime Laboratory habang pinaasistehan din ang pag-uwi nito sa Cabugao para matiyak ang kaligtasan.

“Mrs. Cinco arrived safely at their residence in Cabugao, Ilocos Sur at about 4AM,  she was escorted by OWWA personnel,  a team from IMEG, a security team of Police Region Office-1 and Medical Team  from Health Service, ” ayon sa report na natanggap ni Cascolan.

Tiniyak din na nasa maayos na lagay si Mrs.  Sinco nang makauwi sa kanilang bayan.

Magugunitang mismong si Presidential Spokesman Harry Roque ang nanawagan sa local government unit na tulu­ngan ang ginang na isailalim sa COVID-19 testing para mapabilis ang pag-uwi nito sa Ilocos Sur.

Kinuhanan ng swab sample ng tauhan ng PNP Health Service si Sinco kung saan ito tumuloy sa hotel habang nasa Metro Manila na agad dinala sa Crime Lab.

Magugunitang ang kaniyang anak na si Fabel, 15-anyos, na umano’y minolestiya ay pinatay nina Police Staff Sergeants Randy Ramos at Marawi Torda ng San Juan Police, Ilocos Sur makaraang mag­hain ng reklamo sa Cabugao Police Station noong Hulyo 2.

Hulyo 1 nang maaresto si Pineda at 18-anyos na pinsan nito dahil sa paglabag sa curfew at umano’y sinamantala ang kalasingan ng mga biktima ng dalawang pulis.

Nakatakas umano si Fabel at kinasuhan ang da­lawang pulis subalit pinagbabaril ito habang lulan ng motorsiklo. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.