RIZAL- PATAY ang tatlong tanod at sugatan ang sekyu at pulis na rumesponde sa nag-aamok na dating overseas filipino worker (OFW) sa Cainta.
Ayon sa ulat na nakarating kay Rizal PNP Provincial Director Col. Rainerio de Chavez, kinilala ang mga nasawi na sina Romeo Paraiso Cortez, 55-anyos; Roberto Reyes Donor, 51-anyos at Ronnie Acevedo Gonzales, 58- anyos na pawang mga tanod sa Barangay San Juan, Cainta habang sugatan naman ang sekyu na si Bernard Sales.
Nabatid isang William Celestino ng Sitio Victoria, Brgy San Juan ang dumulog sa tanggapan ng barangay upang ireklamo ang pananakit sa kanya ng suspek na si James Jazmines Batong, 68-anyos, retired OFW ng Greenland Subd.
Dahil dito, nagtungo ang mga tanod sa lugar kasama ang anak ng biktima at sinalubong sila ng sekyu ng subdibisyon upang samahan at ituro ang bahay ng suspek.
Pagdating sa bahay ng suspek ay agad itong nagpaputok gamit ang isang U.S. Carbine caliber 30 na baril na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong tanod habang sugatan naman ang sekyu.
Sumugod sa lugar ng krimen sina Maj. Jake Cariño, hepe ng Cainta PNP para arestuhin ang suspek sa payapang paraan kasama ang SWAT team na nauwi sa engkwentro.
Dito na napatay ang suspek habang sugatan naman ang miyembro ng SWAT na si Cpl. Glenn Elzer Isagon ng Cainta PNP.
Narekober sa suspek ang U.S. Carbine Cal. 30 baril at mga basyo ng bala. ELMA MORALES