ISABELA – LABIS ang kaligayahan ng mga kamag-anak ng isang overseas Filipino worker (OFW) nang dumating ang matagal na nilang hinahanap na inakala nilang patay na dahil halos apat na taon nang walang kontak sa kanila nang mamasukang domestic helper sa Dubai.
Si Merly Cusilit Rivera, 42-anyos, balo, 7 ang anak, at residente ng Sitio Calaocan, Brgy. Salinungan West, San Mateo ay umuwi na bulag ang isang mata habang masakit pa ang mga paso sa katawan, at durog ang mga daliri at may mga sugat sa ulo, tainga at noo.
Sa salaysay ng biktima sa PILIPINO Mirror, kapag nagkakamali siya ay sampal, suntok, kagat, untog sa semento at paso sa plantsa ang kanyang sinasapit sa amo at binuhusan ng mainit na tubig ang kanyang buong katawan, bukod pa sa iniipit pa sa pintuan ang kanyang mga daliri.
Taong 2014 nang siya ay magtungo sa Dubai at sa unang pitong buwan niya ay naging mabuti naman umano ang naging buhay niya at may kontak pa sila ng kanyang mga anak subalit hindi nagtagal ay nawalan na umano sila ng komunikasyon.
Ayon pa kay Rivera, bukod sa kanyang among babae, sinasaktan din siya ng anak nito na isang special child na 8-anyos.
Inamin naman ng anak ni Rivera, na si Richard, nawalan na sila umano ng pag-asa na makita pa nang buhay ang kanyang ina dahil mahigit tatlong taon na wala na silang komunikasyon.
Dagdag pa ng biktima na ang kanyang amo umano ang naghatid at nag-ayos ng kanyang pasaporte upang makauwi na ito at ito rin ang naghatid sa kanya sa airport subalit nasa halagang pang-dalawang taon lamang ang ibinigay na sahod sa kanya.
Tiniyak naman ni Labor Sec. Bebot Bello na tutulungan ng pamahalaan ang pitong anak ni Rivera na makatapos ng pag-aaral. IRENE GONZALES
Comments are closed.