ITINATAG ang One Stop Shop Center for OFW (OSSCO) sa Palayan City, Nueva Ecija.
Tuwang-tuwa ngayon ang mga OFW sa nasabing lalawigan dahil mas marami na silang oras na makapiling ang kani-kanilang pamilya habang nagbabakasyon sa bansa.
Hindi na kasi nila kailangang lumuwas pa ng Metro Manila para mag-renew ng passport, job contract, kumuha ng birth certificate, police at NBI clearance dahil sa itinatag na OSSCO sa lungsod.
Ayon kay Palayan City Mayor Rianne Cuevas, problema ng mga OFW ay oras dahil nauubos ito sa paglalakad ng kanilang mga papeles sa Metro Manila.
“Karamihan ng mga OFW ay isang buwan lang ang bakasyon pero halos kalahati nito ay nauubos sa pag-renew ng kontrata, passport at mga clearance,” ani Mayor Cuevas.
Sinabi pa ng Mayora, mas masaklap ‘yung sitwasyon ng mga nag-aaply pa lang dahil kailangan pa nilang pumunta sa POEA o mga recruitment agency sa Metro Manila para maghanap ng trabaho na gumagastos na ng malaking halaga ng pera para sa pamasahe, pagkain at tirahan na matutuluyan.
Sa ngayon, anang alkalde, ang lahat ng kailangan na ayusin ng isang OFW sa Maynila ay dinala na sa Palayan City sa pamamagitan ng OSSCO.
Bunsod nito ay ginawaran ang Palayan City bilang best OFW one stop shop sa buong bansa.
Comments are closed.