TUMAAS ng 5% ang personal remittances ng overseas Filipinos sa unang dalawang buwan ng taon, ang panahon bago ang coronavirus lockdown, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa datos ng BSP, ang personal remittances, o ang kabuuan ng ipinadalang cash o in-kind, ay naitala sa $5.566 billion mula Enero hanggang Pebrero, mas mataas ng 5% kumpara sa $5.302 billion sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.
Para sa buwan lamang ng Pebrero, ang personal remittances ay umabot sa $2.62 billion, mas mataas ng 2.6% mula sa $2.56 billion noong 2019.
Ang personal remittances mula sa land-based workers na may work contracts na isang taon o higit pa ay sumirit sa $2 billion, mas mataas ng 3.5% mula sa $1.9 billion na naitala noong Pebrero 2019.
Lumiit naman ang padala ng sea-based workers at land-based workers na may work contracts na mababa sa isang taon ng 0.9% sa $560 million mula sa $570 million noong 2019.
Samantala, pumalo ang cash remittances para sa unang dalawang buwan ng taon sa $5 billion o P253 billion mula sa $4.8 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa BSP, ang padalang pera para sa Pebrero ay umabot sa $2.36 billion o P119 billion, mas mataas ng 2.5 percent kumpara sa $2.3 billion noong nakaraang taon.
Ang United States ang may pinakamalaking ambag sa kabuuang remittances sa 39%, sumusunod ang Singapore, Japan, Saudi Arabia, United Kingdom, United Arab Emirates, Qatar, Canada, Hong Kong, at Korea na may pinagsama-samang kontribusyon na 79.4%.