MAYNILA – ISA ngayong pangunahing prayoridad ng Department of Health (DOH) ay ang mapauwi ng ligtas o magsagawa ng repatriation para sa mga Overseas Filipino workers (OFW) na kasalukuyang nasa Wuhan, China kasunod na rin ng umano’y pagkalat ng novel coronavirus.
Ito ang inihayag ng DOH makaraan ang Inter-Agency Committee meeting kasama ang Department of Foreign Affairs (DFA) kung saan tiniyak nito ang suporta sa mga overseas Filipinos sa China partikular sa Wuhan na sinasabing pinagmulan ng nasabing sakit.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, sagot ng ahensya ang lahat ng gagastusin para sa repatriation sa mga Filipinong manggagawa na boluntaryong uuwi sa Filipinas mula sa Hubei province na ang kapitolyo ay ang Wuhan City gayundin ang mga kinakailangan para sa quarantine plans hanggang sa sila ay ma-clear at madischarge.
Giit ni Duque, mayroong nakalaang supplemental budget ang ahensya sa mga ganitong pagkakataon.
Sa ngayon aniya ay mahigpit silang nakikipag-ugnayan at nakikipagtulungan sa Chinese authorities at counterparts para sa agarang pagpapauwi sa mga kababayang nasa Wuhan.
Napagkasunduan din ng committee na maglabas ng pansamantalang paghihigpit sa pag-isyu ng visas para sa mga traveler mula sa Hubei province gayundin ang paglabas ng advisory upang pansamantalang i-discourage ang hindi mahalagang pagbiyahe ng mga Filipino patungo sa China.
“I wish to inform our kababayan that the government will take care of you whether you choose to stay or return home. For those who choose to return, you will be taken cared of particularly in terms of health concerns,” ayon pa sa kalihim. PAUL ROLDAN