OFW SA DUBAI NADALE SA ABORTION

ABORTION

MANILA – ANG abortion o pagpapalaglag sa sinapupunan umano ang sanhi ng pagkamatay ng isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) na tatlong araw pa lamang na nakakauwi sa Filipinas.

Tinangka umano nitong magpa-abort sa loob ng isang motel sa Quiapo, Manila.

Dead on arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Nelia Sotelo, 32-anyos, galing sa Dubai.

Arestado naman si Luzviminda Tibay, 48, ng 6 Carcer St., Quiapo, Manila, isang abortionist at kasamang binitbit ng pulisya si Catherine San Jose, 36, kaibigan ng biktima.

Base sa report ni Det. Donald Panaligan ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong 2:00 ng hapon noong Martes nang mag-check in ang biktima sa Rm. 526, kasama ang isang Catherine San Jose, 36.

Ilang sandali pa, dumating naman si Tibay, pero saglit lang ito at lumabas din pero kasama na nito si San Jose at iniwan  ang biktima.

Kinabukasan, dakong 2:30 ng hapon ay  kinatok ng mga hotel staff ang kuwartong ino­okupahan ng biktima pero walang sumasagot kaya napilitan silang gamitan ng duplicate key at dito nila nakitang dinudugo ang biktima.

Mabilis umanong binuhat ng mga hotel staff ang biktima sa pagamutan kung saan idineklara itong dead in arrival.

Nalaman naman ni San Jose ang nangyari sa biktima nang bumalik ito sa motel at pinuntahan ang biktima dahilan para pigilin siya at isailalim ng imbestigasyon.

Inamin naman nito sa pulisya na nagpa-abort ang biktima sa suspek at nagbayad ito ng halagang P10,000 para sa trabaho.

Itinuro ni San Jose ang kinaroroonan ng abortionist sa kanyang bahay sa Quiapo dahilan para ito ay maaresto.

Nakatakdang sampahan ng kasong inten­tional abortion ang suspek.    PAUL ROLDAN

Comments are closed.