OFW SA KUWAIT NI-RESCUE NI MAYOR CUEVAS

Rianne Cuevas

ISANG overseas Filipino worker (OFW) sa bansang Kuwait na hindi pinasusuweldo at minamaltrato ng kanyang among Kuwaiti ang ni-rescue ni Palayan City Mayor Rianne Cuevas.

Nabatid na noong Disyembre ay lumapit at humingi ng tulong sa alkalde  ang pamilya ng OFW na si Maricar Nievera dahil minamaltrato at hindi pinasusuweldo ng kanyang amo at nagpapasaklolo na tulungan na makauwi na ito sa kanilang pro­binsiya sa Palayan City.

Agad namang umaksiyon si Mayor Cuevas at inatasan nito ang kanyang Public Employment Service Office (PESO) na gawin ang lahat ng paraan para matulungan si Nievera upang hindi matulad sa sinapit ni Jeanelyn Villavende na pinatay ng kanyang amo.

Agad din nakipag-ugnayan si Mayor Cuevas sa tanggapan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Overseas Worker Welfare Adminstration (OWWA) at ipinarating ang kalagayan ni Nievera na hindi na nga pinasusuweldo ay hindi pa pinatutulog at hindi pinapatigil sa trabaho hanggang sa magkasakit na ito.

Umaksiyon naman ang  POEA at OWWA kaya nailigtas si Nievera sa kanyang amo pero hindi agad napauwi sa bansa dahil walang gustong sumagot sa pamasahe nito.

Kaagad namang nag-alok si Mayor Cuevas na babayaran ang pamasahe ni Nievera para makauwi agad ng bansa, pero napuwersa rin ng POEA at ang agency nito na sagutin na lang ang pamsahe ng OFW pabalik ng Filipinas.

Makalipas ang tatlong linggo ay nakauwi na noong Biyernes sa kanilang tahanan sa Nueva Ecija ang OFW.

Nangako si Mayor Cuevas na bibigyan na lang ng pangkabuhayan ang pamilya ni Nievera upang makapagsimula ng negosyo.