TAIWAN – LABIS na kalungkutan ang nadarama ng mga kaanak ng isang overseas Filipino worker (OFW) na pauwi na sana ngayong buwan sa Isabela, subalit nadisgrasya pa dahil aksidenteng nabuhusan ng acido sa kaniyang pinapasukang factory sa bansang ito.
Nakilala ang nasawing si Deserie Castro-Tagubasi, 29 anyos, residente ng Lullutan, Lungsod ng Ilagan at matatapos na sana ang kontrata sa Chunan Science Park sa Miaoli County sa Taiwan, subalit naaksidente ito.
Ayon kay OIC Regional Director Luzviminda Tumaliuan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 2, ipinarating sa kanilang tanggapan ang pagdala kay Tagubasi sa Veterans General Hospital sa Taipei noong Agosto 29, 2019 dahil sa pagkakabuhos ng hydroflouric acid sa kanyang hita.
Kaagad namang nagpadala ng tauhan ang pamunuan ng OWWA sa tinitirhang bahay ng biktimang si Tagubasi sa Barangay Lullutan, Ilagan City, Isabela upang ipagbigay alam sa pamilya ng biktma ang nangyaring aksidente sa kanilang kaanak.
Sinabi ni Regional Director Tumaliuan, batay sa report ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Taiwan, wala umanong foul play sa pagkamatay ng biktima dahil siya mismo ang nakahawak sa lalagyan ng acido.
Nangtungo na ang kaanak ng biktima sa Deparment of Foreign Affairs (DFA) ngunit hindi pa umano natatapos ang paggawa ng naturang letter of acceptance of human remains, upang maisaayos na ang pag-uwi ng bangkay ni Tagubasi.
Ang insidente ay tinututukan na rin ng Department of Labor and Employment (DOLE). IRENE GONZALES
Comments are closed.