NAIS ni Senador Bam Aquino na bigyan ng insentibo at benepisyo ang overseas Filipino workers (OFWs) na nais magsimula ng negosyo sa Filipinas.
Ito ang nakapaloob sa Senate Bill No. 2101 o ang ‘Business Incentives for OFWs Act’ na inihain ni Aquino, isang reporma na iminungkahi mismo ng mga OFW na nais magkaroon ng kabuhayan sa Filipinas at makapiling ang kanilang pamilya sa ginanap na konsultasyon sa Batangas.
“Isa sa mga pagkukunan ng kabuhayan ng ating OFWs ay ang pagkakaroon ng matagumpay na negosyo. Bigyan natin sila ng pagkakataong magkaroon ng kabuhayan sa Filipinas upang makasama nila ang kanilang pamilya at makitang lumaki ang kanilang mga anak,” anang senador.
Aniya, sa oras na maisabatas ang panukala, mabibigyan ng benepisyo at insentibo ang mga negosyong pag-aari ng OFWs kapag nagpasiya silang gamiting puhunan ang kanilang naipon sa Filipinas, kabilang ang exemption sa pagbabayad ng income tax sa loob ng limang taon mula nang makapagparehistro.
Ang iba pang benepisyo para sa negosyong pag-aari ng OFWs ay ang 50% bawas sa property taxes at hindi pagbabayad ng tax at duty free sa pag-aangkat ng raw materials, kagamitan, makinarya at spare parts na gagamitin sa negosyo.
Gayundin, tatanggap sila ng pautang mula sa financial institutions na pinatatakbo ng pamahalaan sa mas mababang interes sa loob ng limang taon mula nang makapagparehistro.
Nauna rito, naghain si Aquino ng ilang panukala na nakatuon sa kapakanan ng mga manggagawang Filipino, kabilang ang OFWs.
Kabilang dito ang Senate Bill No. 648 o ang Migrant Workers and Overseas Filipino Assistance Act upang palakasin ang suporta sa OFW community at sa pamilya na kanilang naiwan sa Filipinas.
Kapag naipasa ito, idaragdag ang mga programa sa livelihood, entrepreneurship, savings, investments at financial literacy sa mga kasalukuyang programa ng mga embahada upang mabigyan ng sapat na kaalaman ang OFWs para makapagsimula ng negosyo. VICKY CERVALES
Comments are closed.