BAKIT nga ba nakalimutan ng Filipinas na maging isang industrialized na bansa? Bakit magpahanggang ngayon ay pati toothbrush ng Filipinas ay ini-import pa? Bakit ang kaya lamang gawin ng mga Filipino ay walis tingting at walis tambo?
Oo nga, umaarangkada tayo sa paggawa ng mga furniture, ngunit nasaan tayo sa daigdig ng electronics? Nang car manufacturing? Sayang, nasimulan na natin ang Sarao nang matagal na panahon, ano ang nangyari?
Ang makina ng mga dyipni ay imported pa rin, bukod tanging ang katawan lamang ng dyipni ang kayang gawin ng mga Filipino.
Nasa 10 milyon ang overseas Filipino workers (OFWs) sa buong daigdig, kasama na riyan ang mga undocumented, ibig sabihin 10% ng populasyon ng Filipinas ay pawang mga nakakalat at malayo sa kani-kanilang mga mahal sa buhay.
Hindi kukulangin sa P20 bilyon kada buwan ang remittances ng OFWs na malaki ang kontribusyon sa paggalaw ng ating pambansang ekonomiya, kapalit ang mga nangangawasak na pamilya, mga anak na nalululong sa barkada at droga, bumabagsak na moralidad at naliligaw na kaisipan ng mga bagong henerasyon.
Ganyan kalupit ang kasaysayan ng Filipinas, dahil sa kagustuhang mabigyan ng laban sa buhay ang kani-kanilang pamilya sa gitna ng matinding kahirapan at kawalan ng masumpungang pag-asa sa bansa, isinusugal ang buhay at pamilya sa pagbabakasakali sa ibayong dagat.
Ang mga Filipino ang pinaka-cosmopolitan na nasyon sa buong daigdig. Nakakalat ang mga kapwa Pinoy kahit sa Estados Unidos o Saudi Arabia man hanggang sa mga maliliit na isla sa Micronesia.
Walang parte ng daigdig na walang Filipinong naghahanapbuhay sa mga iyon. Dahil sa salat ang bansang sagana dapat.
Sagana sa buhay ang mga lupain, kagubatan, kabundukan, karagatan at mga ilog ngunit pinakikinabangan lamang ng iilan, ng oligarkiya na patuloy na dumadaluhong sa kayamanan ng bansa at humahagupit sa mga aliping Filipino.
Nawaglit ang industriyalisasyon, samantalang ito ang kinakailangan ng bansa para sa totoong pag-unlad. Kailangan ng mga Filipino ng isang rebolusyon sa pag-iisip at pag-unawa na ang bansa ay kanila at ang lahat ng yaman niyon. Na ang Filipinas ay mana nila mula sa kanilang mga ninuno. Na ang Filipinas ay ang bukod tanging bahagi nila sa daigdig. Na ang gobyerno ay kanila, na nilikha nila upang pagsilbihan sila, sa kanilang mga hangarin at mithiin. Na ang lahat ng Filipino ay pawang dugong bughaw lahat sa sarili nilang bansa. Silang lahat ay maharlika at ang anumang kaisipan na taliwas dito ay pangmamangmang at totoong kalaban ng taumbayan.
Ngunit kinakailangan din nilang ng isang pambansang estratehiya upang mapaunlad ang kanilang lupang tinubuan at nang hindi na paalipin pa ang marami sa ibayong dagat.
Comments are closed.