HINILING ni Senadora Grace Poe ang madaliang pagsasabatas ng isang panukala na magbibigay ng mas maraming proteksiyon at benepisyo sa overseas Filipino workers (OFWs) na maagang nawalan ng trabaho sanhi ng coronavirus 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Poe na layunin ng kanyang Senate Bill No. 1476 o ang Act to Further Assist Filipino Migrant Workers na bigyan ang nasabing mga OFW ng full reimbursement ng kanilang placement fee na may 12 percent na interes kada taon, kabilang ang kanilang sahod sa hindi napasong panahon ng kanilang employment contract, na aamendahan ang batas na makatatanggap sila ng tatlong buwang sahod kada taon sa hindi napapasong termino, kung ano ang mas mababa.
“Dapat garantiyahan natin na ang ating OFWs na eligible na panatilihin sa kanilang trabaho ay mabibigyan ng proteksiyong panlipunan at parehas na benepisyo,” giit ni Poe.
Layunin ng panukala na amendahan ang Section 10 sa Money Claims ng Republic Act No. 8042 o ang Migrant Workers and Overseas Filipino Act, na inaatasan ang Department of Labor and Employment at attached agencies nito na magbigay ng bagong skills training, re-training programs, kabuhayan at technology assistance, seminar sa micro-finance assistance, at katulad na oportunidad para sa bumabalik na OFWs.
“Habang kinikilala natin na maraming industriya sa buong mundo ang nilumpo ng COVID-19, hindi dapat gamitin itong dahilan upang tanggalin ang ating manggagawang Filipino nang walang dahilan, sapat na paalala at pantay na kompensasyon,” dagdag ng senador.
Iginiit ni Poe na kailangang pagtibayin ang proteksiyon sa OFWs habang libo-libo ang nawalan ng trabaho at pinauwi sanhi ng paghina ng pang-ekonomiyang aktibidad sa buong mundo dulot ng pandemya ng coronavirus.
Pinalala ng COVID-19 ang kanilang sitwasyon habang nakikipagbuno na magkaroon sila ng access sa healthcare at testing at upang matiyak na nananatili silang akma sa trabaho at magpatuloy na kumita para sa kanilang pamilya.
“Malaki ang tulong ng ating OFWs upang makabangon ang ating ekonomiya. Hindi dapat balewalain ang kanilang sakripisyo sa pag-asang malalasap nila bunga ng kanilang pagpapagod kapag umuwi na sila sa kani-kanilang tahanan,” ayon kay Poe.
Sa ilalim ng umiiral na Migrant Workers Act, maaaring magsampa ng kaukulang reklamo ang OFW sa National Labor Relations Commission at humingi ng danyos na aktuwal, moral, exemplary at iba pang uri ng damages.
Didinggin nito ang reklamo saka ipapalabas ang desisyon sa loob ng 90 araw pagkatapos ng paghahain. VICKY CERVALES
Comments are closed.