OFWs HIGIT NA MAKIKINABANG SA VIRTUAL PAG-IBIG

VIRTUAL PAG-IBIG

PASAY CITY – HIGIT na makikinabang ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa inobasyon sa Pag-IBIG  Fund o Home Development Mutual Fund (HDMF).

Partikular ito sa inilunsad na Virtual Pag-IBIG noong Disyembre 12 sa Philippine International Convention Center (PICC) Summit Hall.

Ang Virtual Pag-IBIG ay online portal services ng HDMF at upang magamit ito ay kinakailangan mag-log in lamang sa www.pagibigfundservices.com.

Kahit anong oras at nasaan man ang miyembro ay maaari niyang ma-check ang kanyang contribution at kung mayroong loan ay kaya niyang ma-monitor kung nababayaran ng kanyang kompanya ang inutang.

Kaya naman itinuturing na mas makikinabang ang mga OFW sa bagong serbisyo ng Pag-IBIG dahil kahit wala sila sa Filipinas ay maaari silang mag-apply ng loan.

Pahayag naman ni Secretary Eduardo del Rosario ng Department of Human Settlements and Urban Development na isang long-term project ang Virtual Pag-IBIG at tiniyak ang kahandaan ng support system gayundin ang seguridad ng data base.

Sa panayam ng PILIPINO Mirror kay Del Rosario, sinabi nitong hindi basta maha-hack ang kanilang system gayundin ang pagla-log in ng miyembro dahil sa mga security feature na taglay ng kanilang data base.

TUGON SA DIREKTIBA NI PDU30

Dagdag pa ni Del Rosario, ang paglulunsad ng Virtual Pag-IBIG ay pagtugon nila sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na magserbisyo nang mabilis, may kalidad at tama.

“We are happy that our long-term plans to provide our members with a more efficient and accessible service have aligned with President Duterte’s call to make government service responsive to the need of the public by harnessing technology,” ayon kay Del Rosario.

Sa ngayon aniya ay mayroong 14 million ang miyembro ng Pag-IBIG na maaaring maserbisyuhan nang mabilis sa kanilang transaksiyon.

Ayon naman kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Acmad Rizaldy P. Moti, ang launching ng Virtual Pag-IBIG ay itinaon sa kanilang ika-39 anibersaryo na may temang “Serving the Nation with Excellence and Innovation.”

Aniya, maging sila sa nasabing ahensiya ay excited dahil sa inobasyon kung saan ang mga miyembro ay magiging mabilis ang ugnayan sa kanila dahil  hindi na kailangang magtungo pa sa kanilang sangay para sa transaksyon.

“With this new service, it’s like having your own personal Pag-IBIG Fund branch at your own fingertips. With just a smartphone and an internet connection, our members can do their transactions with Pag-IBIG Fund online, anytime, wherever they are,” paliwanag ni Moti.

May tatlong paraan naman ang miyembro ng kanilang account at una rito ay ang pagkakaroon ng Loyalty Card Plus, ikalawa ay magbukas ng account sa online at ikatlo ay ang pagtungo sa kanilang sangay para personal na gabayan sa paglikha ng account.

Inamin ni Moti na marami nang miyembro ang nagnanais na magkaroon ng online service sa Pag-IBIG at karamihan ay mga OFW. EUNICE C.