OFWs MULA SA ISRAEL, LEBANON BALIK-PINAS NA

SINALUBONG ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isa pang  batch ng overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Israel at Lebanon sa kanilang pagdating sa bansa.

Pinangunahan ni DMW Officer in Charge Undersecretary Hans Leo Cacdac, kasama si Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, ang pagsalubong sa latest batch ng OFWs mula sa Israel sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City kahapon.

Ayon kay Cacdac, ito ang ika-9 na batch ng OFW repatriates mula sa Israel, na kinabibilangan ng 42 OFWs — 30 hotel workers at 12 caregivers. Kasama rin sa grupo ang limang bata.

Sa kanilang pagdating, ang mga OFW ay agad na tumanggap ng tulong at iba pang suporta.

“Aside from the financial assistance from the DMW, each OFW returnee also received PHP50,000 financial assistance from OWWA (Overseas Workers Welfare Administration), PHP20,000 livelihood assistance from the DSWD (Department of Social Welfare and Development), and PHP5,000 from TESDA (Technical Education and Skills Development Authority),” ayon sa post ng DMW sa kanilang Facebook page.

Nagkaloob naman ang Department of Health ng medical assistance sa OFW returnees sa kanilang pagdating sa NAIA.

Hanggang Nov. 23, may kabuuang 299 OFWs na mula sa Israel ang ligtas na nakauwi sa pamamagitan ng repatriation efforts ng pamahalaan.

Dumating naman noong Miyerkoles ng gabi ang ika-4 na batch ng walong OFWs mula sa Lebanon sakay ng Qatar Airways flight QR928 sa gitna ng Israel-Hamas conflict.

Sa kabuuan ay may 27 OFWs na ang nakabalik sa bansa mula sa Lebanon.