NAGPAHAYAG ng pangamba ang National Research Council of the Philippines (NRCP) ng Department of Science and Technology (DOST) hinggil sa pagdami ng mga nagkakasakit na overseas Filipino workers (OFWs) na bumabalik sa bansa.
Sa ginanap na Techno Media Forum sa Quezon City, sinabi ni DOST Secretary Fortunato dela Peña na batay sa isinagawang research ng NRCP, dumarami na ang bilang ng mga OFW na umuuwi na may dalang sakit katulad ng cardiovascular at reproductive diseases.
Karaniwan aniya sa mga ito ay may dalang sakit na tuberculosis, hepatitis, sexually transmitted disease (STD) at ang pinakamalala ay ang pagkakaroon ng HIV/AIDS.
Napag-alamaqng madalas na nagkakaroon ng HIV/AIDS ang mga OFW na galing ng Middle East countries katulad ng Kuwait, Qatar, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Bahrain, Israel, Lebanon at Jordan.
Nabatid na base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), may 2.3 milyong bilang na ng mga OFW (landbased) kaya nakababahala aniyang mapabayaan ang mga ito sa kanilang pagkakasakit.
Ilan sa mga OFW ay nagtatrabaho bilang mga Household Domestic Workers, Service Workers (drivers, kitchen crew), Technicians/Electricians, Plant/Machine Operators na kung saan marami sa mga ito ay nagkakaroon ng reproductive diseases na karaniwan sa mga kababaihan habang sa kalalakihan ay maraming kaso ng digestive, cardiovascular diseases, urinary/excretory diseases, sensory system diseases, neurological at endoctrine diseases.
Gumawa ang NRCP ng pag-aaral upang magkaroon ng batayan at ideya ang mga mambabatas at makagawa rin ng mga batas at polisiya upang mabigyan ng karampatang proteksiyon ang mga kababayang OFW. BENEDICT ABAYGAR, JR.