INILUNSAD ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang iba’t ibang training courses para sa overseas Filipino workers (OFWs) na napauwi kamakailan galing ng China.
Ayon kay TESDA Director General Secretary Isidro Lapeña, ang mga OFW na mula sa China ay maaaring makapag-apply sa TESDA Malasakit Help desk na matatagpuan sa mga pangunahing paliparan sa bansa.
“Pwede silang mag-avail ng aming libreng training courses sa konstruksiyon lalo na sa pagwe-welding, pagkakabit ng mga linya ng kuryente at maintenance, at heavy equipment operator na mga trabahong in-demand maging dito sa ating bansa at sa abroad,” ani Lapeña.
Paliwanag ni Lapeña, ang mga scholarship at libreng training ng TESDA ay hindi lamang para sa mga naapektuhang OFWs sa China kundi para rin sa mga nanggaling sa iba’t-ibang bansa.
“Ang TESDA ay laging handang tumulong na makapagbigay ng iba’t ibang skills gayundin ang pagbibigay ng oportunidad na makapagtrabaho upang maiangat ang kalidad ang kabuhayan ng mga nakauwing mga OFWs,” ani Lapeña.
Matatandaan na agad na nagpadala ng repatriation team ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Wuhan, China na kasalukuyang naka-lockdown dahil dito nagsimula ang pagkalat ng nakamamatay na sakit na COVID-19.
Ang naturang repatriation team ang sumundo sa may 30 Filipino upang makabalik dito sa ating bansa nito lamang nakaraang Linggo.
Sinabi pa ng ahensiya, ang dumating na mga Filipino sa bansa ay dinala sa Athletes’ Village sa New Clark City sa Tarlac para sa kanilang 14-day quarantine period.
Napag-alaman pa sa DFA, mayroong 150 Filipino ang nasa Wuhan simula ng pumutok ang balitang pagsimula ng pagkalat ng balita tungkol sa 2019 novel coronavirus outbreak. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.