OFWs na naiipit sa Israel-Hamas conflict, iuwi agad- Speaker Romualdez

NAIS  ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na agarang maisailalim sa repatriation ang mga mga overseas Filipino workers (OFWs) na kasalukuyang naiipit sa giyerang nagaganap sa Israel upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito.

Kasabay naman ng kanyang panawagan na agarang maiuwi sa bansa ang mga naturang OFWs, tiniyak din ni Speaker Romualdez na magkakaloob siya ng P500,000 personal na tulong sa pamilya ng ikatlong Pilipino na kumpirmadong nasawi sa kaguluhan.

Una nang sinabi ni Speaker Romualdez, na siya, katuwang si Tingog Partylist Rep. Yedda Marie K. Romualdez, ay magbibigay ng personal na tulong na tig-P500,000 sa pamilya ng dalawang Pilipino na kumpirmadong nasawi sa kaguluhan sa Israel.

Labis ding nababahala si Speaker Romualdez sa kaligtasan ng mga Pilipino na naiipit sa kaguluhan kaya nanawagan sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na madaliin ang repatriation ng mga OFW na nasa Israel at Gaza strip na hawak ng Hamas.

Anang lider ng Kamara, may mga Pinoy na ang nagpaabot ng pagnanais na makauwi ng Pilipinas, na isang indikasyon aniya kung ano ang sitwasyon sa nagaganap na Israel at Gaza.

“What we’ve learned from DFA and credible news sources is that nearly a hundred OFWs based in Israel are eager to return to the Philippines,” ayon kay Speaker Romualdez.

Dagdag pa niya, “I am confident in the preparedness of our Armed Forces, with their C-130 aircraft at the ready to transport and bring our OFWs safely back home. But I believe the DFA and DMW have the necessary funds to facilitate the repatriation of our OFWs, enabling them to charter flights for this purpose.”

Batay sa datos mula sa DFA, sa 131 Pilipino sa Gaza, 92 indibidwal ang nagpahayag ng pagnanais na makauwi sa Pilipinas. Sa Israel naman, hindi bababa sa 22 Pilipino ang pormal na nag-request na sila ay iuwi sa bansa.

Ayon kay Romualdez, ang mga mercy flight ay hindi naman kailangang lumapag sa Israel dahil maaari itong gawin sa Egypt o Jordan para matiyak ang kaligtasan ng mga OFW.

Nanawagan din siya sa mga OFW na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy upang maproseso ang kanilang pagbabalik sa bansa.

“The safety and welfare of Filipino citizens are paramount, and we are committed to working closely with the DFA, DMW, and other relevant authorities to ensure the swift and secure repatriation of our OFWs from the conflict areas,” sabi ng lider ng Kamara.

Bukod naman sa tulong pinansyal, nangako rin si Romualdez na maghahanap ng paraan upang madagdagan ang kinikita ng pamilya ng mga nasawi at susuportahan ang pagbangon ng mga ito mula sa trahedya.