OFWs NA NASAWI SA COVID-19 IKE-CREMATE- DOH

Maria Rosario Vergeire

TINIYAK ng Department of Health (DOH) na kaagad na isasailalim sa cremation ang mga labi ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nasawi dahil sa coronavirus disease (COVID-19) sa Saudi Arabia sa sandaling maiuwi na ang mga ito sa bansa.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ipinagbabawal ang cremation sa Kingdom of Saudi Arabia kaya’t sa Pilipinas na lamang ike-cremate ang mga ito.

Nabatid na sa polisiya ng Pilipinas ay kailangang mai-cremate ang mga bangkay ng mga pasyenteng nasawi sa COVID-19 sa loob ng 12-oras.

Tinatayang nasa 301 na bangkay na nasawi sa Saudi ang nakatakdang ipa-repatriate sa Pilipinas bago matapos ang palu-git na Hulyo 4.  Sa naturang bilang, mahigit 100 ang nasawi sa COVID-19.

“Tayo po ay nagbigay na ng abiso na kalangan completely sealed ang casket. Pagdating dito immediate burial po agad dapat iyan, hindi na puwedeng buksan ang casket nila,” ani Vergeire.

Batay sa pinakahuling datos mula sa Department of Foreign Affaris (DFA), natukoy na nasa 8,433 na Filipino sa 59 bansa sa mundo na ang tinamaan ng COVID-19.

Sa naturang bilang, nasa 2,814 ang aktibong kaso, 5,081 ang nakarekober habang nasa 538 naman ang binawian na ng buhay. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.