KINAKAILANGAN ng karagdagang PCR/swab testing booths para sa COVID-19 sa mga paliparan upang hindi matengga ng mahabang oras ang mga overseas Filipino worker (OFW) pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito’y matapos na maghintay nang matagal ang mahigit sa 100 OFWs na dumating sa NAIA terminal 1. Mahabang pila at oras ang binibilang bago sumailalim sa PCR/swab test habang ang iba naman ay hindi makababa sa eroplano dahil overcrowded ang arrival area.
Dumating na magkakasabay sa NAIA terminals 1, 2 at 3 ang 2,320 repatriated OFWs mula sa Saudi na nakaranas na maghintay ng ilang oras bago naisalang sa rapid test.
Dinala ang mga ito sa holding area upang sumailalim sa swab testing bilang pagsunod sa mandatory protocol ng COVID-19 Inter-Agency Task Force (IATF) bago dalhin sa mga government facility ng Philippine Coast Guard (PCG) para 14 days quarantine.
Maging ang mga OFW na dumating mula sa Abu Dhabi, Dubai, Jeddah at Malaysia ay naghintay nang mahabang oras bago nakababa sa kanilang mga sinakyang eroplano dahil nagkabuhol-buhol ang mga pasahero sa loob ng arrival area.
Sa kasalukuyan ay 12 ang PCR/swab testing booths sa tatlong terminal kaya kinukulang ito kapag nagkasabay-sabay ang returning OFWs.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal, nahihirapan ang kanyang mga tauhan sa arrival time o spacing ng bawat eroplano sa landing area dahil kinokonsidera rin nila ang departure ng commercial at sweeper flights na may lulang stranded foreigners at returning OFWs.
Ginamit na nila ang ibang parte ng departure areas bilang swab testing booth para mapadali ang isinasagawang swab testing sa mga dumarating na OFWs. FROI MORALLOS
Comments are closed.