MAYNILA-MINAMADALI ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapauwi sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa kani-kanilang mga tahanan.
Sa send-off ceremony para sa 200 migranteng manggagawa sa Parañaque Integrated Exchange (PITX), sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na titiyakin ng gobyerno na makauwi sa kanilang mga bayan ang mga OFW sa loob lamang ng tatlo hanggang limang araw matapos ang kanilang paglapag sa bansa.
Bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Duterte na pabilisin ang pagpapauwi sa kanilang mga pamilya ng mga displaced na manggagawa mula sa ibang bansa, titiyakin nating sila ay mapauwi at makarating sa mga paliparan at daungan sa loob lamang ng limang araw, wika ni Bello sa ginanap na aktibidad na dinaluhan ng mga opisyal ng pamahalaan na pinangunahan ni Sen. Richard ‘Dick’ Gordon, na siya ring namumuno sa Philippine Red Cross.
Ang Philippine Red Cross ay ang namamahala ng swab testing program para sa mga OFW na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Pinuri ni Gordon ang DOLE dahil sa walang sawa nitong kampanya upang tulungan ang mga migranteng manggagawa na apektado ng mga lockdown sa ibang bansa upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. PAUL ROLDAN
Comments are closed.