OFWs PINAE-EXEMPT SA PAGKUHA NG CPD PROGRAM

ISINUSULONG ni Senador Lito Lapid ang pag-exempt sa mga kuwalipikadong overseas Filipino workers (OFWs) na kumuha pa ng Continuing Professional Development (CPD) program sa Pilipinas.

Sa bisa ng Republic Act No. 10192 o mas kilala bilang Continuing Professional Development Act of 2016, inoobliga ang lahat ng mga licensed professional worker sa bansa na magpatuloy ng pag-aaral sa pagkuha ng CPD units at magsumite ng evidence of compliance para sa renewal ng kanilang lisensya.

Nauna na umanong nabigyan ng exemption sa batas ang OFWs sa bisa ng Professional Regulation Commission Resolution No. 2019 – 1146, series of 2019, pero ayon kay Lapid kailangan pa rin ng enabling law para ma-insitutionalize ito.

Bagaman maganda ang intensyon ng batas sa promosyon ng professional excellence, ikinatwiran ni Lapid na hindi praktikal at dagdag pabigat lang ang pagkuha nito para sa ating mga OFW.

“Kaisa po ako ng ating mga OFW na hindi na kailangan pang i-require o obligahin na mag-comply sa CPD act sa panahon po ng kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa. Hindi ito makatarungan, magastos at nanghihingi ito ng malaking sakripisyo mula sa ating mga modernong bayani na malayo sa kanilang pamilya at nakikipag-sapalaran sa ibang bansa,” giit pa ni Lapid.

Ang kasalukuyang pobisyon ng CPD law ay salungat sa “unique circumstances” ng mga OFW sa ibayong dagat.

Hinihiling din ni Lapid sa Professional Regulatory Commission(PRC) na magtatag ng CPD Compliance Program para sa Filipino professionals na naunang na-exempt sa batas at nais nang ipagpatuloy ang pagtatrabaho sa Pilipinas.
VICKY CERVALES