OFWs PINAIIWAS NG CBCP SA MGA RALIYISTA SA HK

hong kong rally

MAYNILA – PINAIIWAS ng isang Catholic bishop ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa mga kilos-protesta sa Hong Kong.

Kasunod ito nang naganap na pag-aresto sa isang manggagawang Pinoy na napagkamalang nakikilahok sa rally sa Mong Kok district nitong Sabado.

Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, na pinuno ng migrants’ ministry ng Catholic Bishops’ Confe­rence of the Philippines (CBCP), dapat na ma­ging maingat at umiwas ang mga OFW sa mga naturang kaguluhan, upang hindi sila mapahamak at hindi rin ma­lagay sa alanganin ang kanilang trabaho.

“We remind them to stay away from places where rallies are held, never join any gathe­ring and always keep in mind the directives of our Department of Fo­reign Affairs officials there,” aniya pa.

Kaugnay nito, umapela rin si Santos sa pamahalaan na tulungan ang naturang inarestong OFW.

“We kindly request the valuable assistance and urgent help of DFA officials there for our arrested Filipino in Hong Kong,” panawagan niya. “They came with sole intentions to work as to improve the lives of their loved ones, and they are observant of the laws and customs of Hong Kong.”

Una naman nang nilinaw ng isang opisyal ng Philippine Consular Office na ang naturang manggagawang Pinoy ay hindi nakikiisa sa protesta nang arestuhin ito, at tiniyak na pagkakalooban ito ng kaukulang tulong. ANA ROSARIO HERNANDEZ