TINIYAK ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na uunahin niya ang kapakanan ng overseas Filipino Workers at ang kanilang naiwang mga pamilya sa bansa.
Sa kanyang video blog sa YouTube channel nitong Sabado, inalala ni Marcis Jr. ang kanyang naging karanasan sa pagpunta sa Australia kamakailan lang kasama ang kanyang pamilya matapos ang eleksiyon.
Ipinakita sa video blog ang mga litrato ng mainit na pagtanggap ng mga Pilipino kay Marcos Jr. at ang kanyang pamilya, at ang kanilang pamamasyal sa Australia.
Galing sa Australia ang pamilya at mainit silang sinalubong ng ating mga kababayan doon.
“Ako ay nagpapasalamt sa kanila, talagang binigyan kami ng dahilan na ngumiti at mag-celebrate kasama ng ating mga Pilipino nasa Melbourne at sa Australia. May mga dumating pa galing sa New Zealand. Maraming salamat sa inyong lahat,” pahayag pa ni Marcos Jr.
“Umasa po kayo na ang kapakanan ng OFWs at mga pamilya nila dito ay magiging prayoridad sa ating mga pinaplanong programa,” dagdag ni Marcos.
Bagaman, may mga Pilipinong mainit na tumanggap kay Marcos Jr at kanyang pamilya, may ilan din grupong nagprotesta sa Australia at sinabing hindi welcome sa kanilang bansa ang papasok na presidente.