BEIRUT – PINAALALAHANAN ng Philippine Embassy sa Lebanon ang mga overseas Filipino worker (OFWs) doon na mag-ingat at iwasan ang mga lugar na may mga kilos protesta.
Sa kalatas ng Philippine Embassy na nasa Beirut na wikang Tagalog at naka-post sa Facebook, nakasaad na mag-ingat sa paglabas at sa gawain.
“Para sa ating kaligtasan at mabuting kapakanan, umiwas sa mga lugar na maraming tao, may kilos protesta, pagsusunog ng gulong at katulad na gawa,”dagdag pa sa panawagan.
Palala pa ng embahda na kung hindi naman mahalaga ang pupuntahan ay manatili na lang sa bahay o sa pinapasukan.
Para sa nangangailangan ng tulong at emergency ay maaaring tumawag sa telephone number na 03859430.
Ginawa ng embahada ang paalala kasunod ng libo-libong demonstrador ang nagmartsa sa nasabing bansa upang pababain sa puwesto ang kanilang mga lider dahil sa anila’y pagnanakaw na resulta ng paghina ng kanilang ekonomiya.
Gumamit na rin ng tear gas ang mga pulis upang pahupain ang mga protester sa Beirut.
Samantala nagbaba na rin ng travel advisory ang Saudi Arabia sa kanilang kababayan na huwag munang magtungo sa Lebanon.
Sa record ng Department of Foreign Affairs noong 2015, mayroong 27,812 Filipino na nakabase sa Lebanon. EUNICE C.
Comments are closed.