OFWs SA SAUDI HANDA NG ILIKAS

saudi

NAKAHANDA ang pamahalaan na ilikas ang may 50,000 Filipinong manggagawa mula sa mga lugar na apektado ng mga pagsabog na naganap nitong linggo sa mga planta ng langis sa Saudi Arabia kung lalala pa ang sitwasyon sa nasabing bansa.

Gayunpaman, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sinusuri na ng Kagawaran ang posibleng implikasyon sa kaligtasan at seguridad ng mga overseas Filipino worker (OFW), kung saan kanyang idinagdag na patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang sitwasyon sa nasabing lugar.

Tiniyak din ni Bello sa publiko na walang Filipinong naapektuhan sa naganap na pagsabog.

“Sa ngayon, walang ulat na natanggap na may OFW na nasaktan o naapektuhan ng pag-atake at walang pagtigil sa trabaho na naiulat. Ang ating Philippine Overseas Labor Office sa Al Khobar, Riyadh, at Dammam ay nakabantay sa sitwasyon at tinitignan ang kalagayan ng ating mga OFW,” aniya.

Pahayag din ng kalihim na nakikipag-ugna­yan ang DOLE sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa posibleng pagpapalikas sakaling lumala ang sitwasyon at malagay sa panganib ang tinatayang 50,000 na nasa apektadong lugar.

“Nakikipag-ugnayan kami sa DFA ukol sa kalagayan para sa patuloy na pagtatasa sa sitwasyon. Nakahanda rin kami kung kinakaila­ngan silang pauwiin para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng ating mga OFW, o tulungan silang makahanap ng trabaho sa iba pang lugar,” ani Bello.

Ang Saudi Arabia, ang pinakamalaking pinagkukunan ng langis sa buong mundo, ay isa sa mga panguhing destinasyon ng mga OFW na binubuo ng 24.3 porsiyento ng kabuuang 2.3 milyong OFW sa buong mundo, ayon sa 2018 Survey ng Philippine Statistics Authority. PAUL ROLDAN

Comments are closed.