USA – PINAWI ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez ang agam-agam ng mga Filipino na nakabase sa Estados Unidos partikular ang mga overseas Filipino worker (OFW) hinggil sa pananatili sa nasabing bansa kahit pa ipinatutupad na ang mahigpit na immigration policy ni President Donald Trump.
Sinabi ni Romualdez na maayos ang trato ng US sa Filipino at marami ring kaalyado sa US Congress na naniniwala na ang Filipino communities ay asset.
“Mayron tayong mga kaalyado sa US Congress na sa tingin ko naman they look at their Filipino communities as an asset to them,” ayon kay Romualdez.
Nilinaw ni Romualdez na ginawa lamang ni Trump ang polisiya upang hindi makapasok ang mga kriminal sa kanilang bansa at hindi lamang para sa Filipinas ang paghihigpit kundi sa lahat ng nationality na papasok sa America.
Kasabay nito, pagtitiyak ni Romualdez na maganda ang imahe ng Filipino sa mga American lawmaker.
“Like I said maganda ang ating image dun. Lahat ng mga American senators na nakausap ko meron silang mga kanya-kanyang Filipino communities,” pagdiriin pa ni Romualdez.
Samantala, nanawagan si Romualdez sa mga Filipino na ilegal na nananatili sa US na pag-aralan ang legal options na gagawin dahil tiyak aniyang tagilid ang estado ng mga ito. EUNICE C.
Comments are closed.