Lubos na ikinalulungkot at kinokondena ni OFW party-list Representative Marissa “Del Mar” Magsino ang malagim na pagkamatay ng isang kababayang manggagawa sa Kuwait kasabay ng kanyang panawagan sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na tiyaking ligtas ang overseas Filipino workers sa mapanganib na mga bansa.
Sumisigaw rin ng katarungan ang pamilya ni Dafnie Nacalaban, 35, na iniulat ng DMW na nawawala noong Oktubre at nadiskubre ang nabubulok na nitong bangkay noong Disyembre 31 ng nakaraang taon.
“Ang insidenteng ito ay muling nagpapakita ng mga panganib na kinakaharap ng ating mga manggagawa sa ibang bansa, lalo na sa mga lugar kung saan hindi sapat ang proteksyon para sa kanilang kaligtasan at karapatan,” pahayag ni Magsino.
Naunang ibinunyag ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na dalawang buwan nang nawawala si Dafnie nang matagpuan ang kanyang bangkay ng Kuwaiti authorities.
Dagdag ni Cacdac, ang itinuturong suspek sa pagkamatay ay si Jarrah Jassem Abdulghani, na diumano’y pinatay rin ang Pinay girlfriend nito ilang buwan lamang ang nakararaan.
“Nanawagan ako ng isang masusing imbestigasyon upang mabigyang-liwanag ang mga detalye ng trahedyang ito at upang masigurong mabibigyan ng hustisya ang ating kababayan. Kasabay nito, hinihimok ko ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Department of Foreign Affairs (DFA) na palakasin ang kanilang mga hakbang upang tiyaking ligtas ang ating mga manggagawa sa high-risk countries tulad ng Kuwait,” diin ni Magsino.
Napag-alaman na ang nakababatang kapatid ng suspek na kasama niya sa bahay ang nag-report sa kapulisan noong Disyembre 28, 2024 ng pagpatay kay Dafnie dahilan para mahanap ang bangkay nito sa bahay ni Jarrah.
Nadeploy ang biktima sa Kuwait noong December 2019 at natapos ang kontrata niya sa huli niyang employer on record na si Fawaz Satarn Muhawish Alduways noong October16 2024.
“Bilang inyong kinatawan, patuloy kong isusulong ang mga repormang magpapalakas ng proteksyon sa ating mga Overseas Filipino Workers (OFW), kabilang na ang mas mahigpit na monitoring sa kanilang kalagayan, mabilis na pag-aksyon sa mga kaso ng pang-aabuso, at pagpapalakas ng bilateral agreements para sa kanilang seguridad,” ani ng kinatawan ng OFW party-list.
JUNEX DORONIO