OGIE DIAZ SAD PARA KAY ENCHONG DEE NA INDICTED SA CYBER LIBEL

MAS masarap daw magbunyi, sabi ni Ogie Diaz, kung lahat sila ay lusot na sa cyber libel na ikinaso ni Claudine Bautista laban sa kanya at kina Engchong Dee, Agot Isidro at Pokwang:

“Sad ako for Enchong, sana maayos, sana ganun din ang kalabasan tulad ng sa amin. Pero di pa rin naman tapos, di natin alam kung ano yung next move nila. Lahat kami, nasampahan ng kaso pero nagkataon lang siguro na yung sa amin simple kaya nabasura.”

Si Enchong Dee lamang ang indicted sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act 2012 na isinampa ni Congresswoman Claudine Bautista-Lim, kung saan kasama si Ogie, Pokwang at Agot Isidro. May tatlo ring female netizens na pinangalanan sa reklamong isinampa ni Bautista sa Office of the Prosecutor ng Davao Occidental, ngunit hindi na sila nabanggit pa. Gayunman, na-dismiss ang reklamo laban kina Ogie, Pokwang, Agot, at tatlo pang netizens habang nagtuloy-tuloy naman ang kay Enchong.

Nag-ugat ang lahat sa kasal ni Bautista na representative ng party-list na Drivers United for Mass Progress and Equal Rights o DUMPER. Kinuwestiyon ng mga netizens ang magarbong kasal ni Bautista sa Balesin Island Resort sa Polilio, Quezon habang ang nire-represent nitong mga drivers ay naghihirap sa gitna ng pandemya. Nagpatutsada rin sina Enchong, Agot, Pokwang, at Ogie.

Depensa ni Bautista, regalo ng kanyang negos­yanteng mister na si Trac­ker Lim ang magarbong kasal na kanyang “wedding of my dream.”

Kinasuhan sila ni Bautista ng paninirang-puri, particular si Enchong dahil sa mapanirang mga salitang ibinato raw ng aktor sa kanya na walang sapat na dahilan.

Ayon sa resolusyon ng Davao Occidental prosecutors, may sapat na basehang makasuhan si Enchong ng cyber libel dahil sa alegasyong malversation of public funds. Humihingi si Bautista ng PHP1 billion moral dama­ges sa aktor.

Sa kaso nina Ogie, Agot, at Pokwang, “mere expressions of disapproval” daw lamang ito na wala namang malisya kaya ibinasura ito ng korte. — KNMARTIN