NAGTALAGA na muna ang Department of Health (DOH) ng officer-in-charge (OIC) upang pansamantalang mangasiwa sa tanggapan ng Food and Drug Administration (FDA) Philippines.
Ito’y kasunod na rin ng pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto kay dating FDA General Manager Nela Charade Puno kamakalawa ng hapon dahil umano sa isyu ng korupsiyon.
Sa isang pahayag ng DOH, inianunsiyo ang pagtatalaga kay Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo bilang OIC ng FDA, habang wala pang itinatalaga si Pangulong Duterte na makakapalit sa puwesto ni Puno
Kaugnay nito, tiniyak ng DOH na suportado nito ang commitment ni Pangulong Duterte sa paglaban sa graft and corruption sa pamahalaan.
Nitong Huwebes ng hapon ay una nang inianunsiyo ng Malakanyang ang pagsibak kay Puno dahil sa korupsiyon, ngunit hindi naman ito idinetalye.
Sa kaniyang panig, mariin namang pinabulaanan ni Puno na sangkot siya sa korupsyon at sinabing ‘clueless’ siya rito.
“I take exception to the mention of so-called “corruption allegations” because I am clueless as to what these are,” ani Puno sa isang inilabas na pahayag.
“I have not been charged in any legal proceedings nor am I aware of any official investigations being undertaken in relation to corruption involving me,” aniya pa.
Nagpahayag din si Puno ng kahandaan na harapin ang anumang kaso ng katiwalian na maaaring isampa laban sa kanya.
Nanindigan rin siya na aalis siya ng FDA na malinis ang kanyang konsensiya.
“I leave FDA with a clear conscience and what I believe to be a clean record. It is completely unnecessary to sully the personal and professional reputations of people who sacrifice to render public service,” aniya pa.
Nagpasalamat ito sa Pangulo dahil sa pagkakataong ibinigay sa kanya upang makapaglingkod sa mamamayan.
“As a presidential appointee, I serve at the pleasure of the President and therefore I accept his decision without any ill-feelings. I would like to thank the President for the opportunity and honour of having served the Food and Drug Administration as its Director General,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ