ITINALAGA muna ng Armed Forces of the Philippines Board of Generals ang deputies nina Major General Alex Luna at Major General Benedict Arevalo para pansamantalang pamunuan ang kanilang naiwang puwesto.
Ito ay matapos na sibakin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana si Luna at maghain ng leave of absence si Arevalo dahil sa isyu nang maling nailabas na listahan ng mga New Peoples Army na napatay ng militar na umani ng batikos.
Si BGen Chariton Gaerlan ang inilagay munang AFP Deputy Chief of staff for Intelligence habang si Bgen Gabriel Viray III naman bilang Deputy Chief of Staff for Civil Military operation.
Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, napagkasunduan ng Board of Generals na mga deputy na muna ang mamuno sa J2 at J7 habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Aniya, ang nagpapatuloy na inquiry ay upang matukoy ang ginawang kapabayaan kung kaya nangyari ang pagkakamali upang hindi maulit ang pagpapalabas ng maling impormasyon lalo na sa social media. REA SARMIENTO
Comments are closed.