OIL AND GAS DEAL, KASAMA SA 29 MOU NA NILAGDAAN NG CHINA AT FILIPINAS

DUTERTE-XI

OPISYAL na nilagdaan ng Filipinas at China ang memorandum of understanding (MOU) sa oil and gas development cooperation sa pagbisita ni President Xi Jinping.

Nagpalitan ng MOU sina Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at Chinese Foreign Minister Wang Yi  sa pagitan ng Foreign Service Insti-tute of the Philippines at ng  China Foreign Affairs University.

Kapuwa sinaksihan nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Chinese President Xi Jinping ang pagpapalitan ng  MOU sa oil and gas deal, na  isa sa 29 na kasunduan sa kalakalan at pamumuhunan, pagbabangko, impraestraktura, agrikultura, edukasyon, kultura, at  people-to-people exchanges na nilagdaan ng dalawang bansa.

Inaasahang  magkatuwang  ang isasagawang exploration  ng China at Filipinas sa bahagi ng South China Sea, na pinaniniwalaang ma­yaman sa langis, subalit hindi malinaw kung ang oil and gas deal na nilagdaan kahapon ay  isasagawa  sa pinag-aagawang isla.

Si President Xi ­Jingping ay dumating kahapon ng tanghali sa bansa para sa kanyang 2-araw na state visit.

Dakong alas-11:30 ng umaga nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang Air China na sinakyan nina President Xi at kanyang delegasyon mula biyahe galing sa Brunei Darrusalam.

Nag-alay naman ng bulaklak si President Xi sa bantayog ng bayaning si Dr.Jose Rizal bandang alas-4:15 ng hapon saka tumuloy sa Malakanyang kung saan ay binigyan siya ng official welcome ceremony sa Kalayaan Grounds.

Matapos ang welcome ceremony ay tumuloy si Xi sa Reception Hall para sa “Signing of the Guestbook” na sinaksihan ng mga miyembro ng local media at Chinese media delegation.

Sinundan ito ng expanded bilateral ­meeting nina President Xi at ­Pangulong Rodrigo ­Duterte at sinaksihan din ang paglagda ng exhange of agree-ments sa pagitan ng dalawang bansa kabilang na rin ang sampung loan agreements

Nagbigay rin ng joint statements sina Pangulong Duterte at President Xi na sinundan ng pagpapalitan ng regalo.

Binigyan din ng state banquet dakong alas-7:20 ng gabi si President Xi sa Rizal Hall ng Malakanyang.

Alas-11 ng umaga ngayon ay mayroon namang joint courtesy call kay President Xi sina House Speaker Gloria Macapagal Arroyo at Senate Presi-dent Vicente Sotto III sa Shangrila Hotel sa Bonifacio Glo­bal City sa Taguig City na susundan ng pakikipagpulong  sa Filipino Chinese Community.

Bandang ala-1:30 ng hapon naman ay aalis na si President Xi at kanyang delegasyon patu­ngong Beijing, People’s Republic of China mula sa NAIA Terminal 1.

Ito ang ikawalang pagkakataon na nakabisita sa bansa si Xi, una ay   nang dumalo ito sa  Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit noong 2015. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.