OIL AT FARE HIKES

KAKAMBAL na ng ating buhay sa mundo ang mataas na presyo ng gasolina at diesel.

Ito kasi ang nagpapatakbo sa ating mga industriya, kahit ng ating mga sasakyan.

Talagang ito ang isang bagay na kailangan nating harapin sa dahan-dahan nang pagbabalik ng ating ekonomiya sa normal.

Ang pagtaas ng presyo ng langis sa lokal na merkado, aba’y natural na resulta ng paggalaw ng presyo sa world oil market.

Maraming bansa ang unti-unti nang nakakabangon.

Sa pagbubukas ng marami ring industriya, kakabit nito ang pagtaas nga ng konsumo gasolina.

Humahataw ang halaga ng krudo bunsod ng tinatawag na ‘law of supply and demand’.

Kapag nagtuloy-tuloy ang pagtaas sa pandaigdigang demand para sa gasolina, katumbas nito ang paggapang ng epekto nito hanggang sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas.

Kaya dumulog sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang iba’t ibang transport group para humirit ng P2 fare hike sa unang apat na kilometro sa mga pampasaherong jeepney nationwide.

Kasama rito ang mga lider ng grupong Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), PISTON, Stop ‘N Go transport coalition, at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP).

Sabi ng grupo ni LTOP Pres. Lando Marquez kay LTFRB Chair. Atty. Teofilo Guadiz, hindi na nila kayang pasanin pa ang magkakasunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

Ito raw ang dahilan kaya humihiling silang maitaas ang pasahe sa jeep.

Binanggit nila ang Memo Circular 2019-035 ng LTFRB na tumutukoy sa fare adjustment formula kapag malaki na ang itinaas ng presyo ng langis.

Kahit pa raw may planong fuel subsidy para maibsan ang hirap ng mga tsuper sa pamamasada, hindi pa rin ito sapat.

Kapag naaprubahan, magiging P14 na ang minimum na pamasahe sa jeep mula sa kasalukuyang P12.

Hindi naman sang-ayon ang Lawyers for Commuters’ Safety and Protection (LCSP) sa hirit na P2.00 na taas-pasahe ng grupo.

Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, kahit nauunawaan nila ang kalagayan ng mga tsuper at driver sa epekto ng sunud-sunod na oil price hike, masyado namang mabigat para sa mga pasahero ang dalawang pisong fare hike.

Tama nga si Inton, kung natataasan na ang LTFRB sa unang hirit na P1 surcharge fee tuwing rush hour, aba’y mas mahirap nga naman lalo sa mga pasahero ang P2 na taas-pasahe tuwing sasakay ng jeep.

Bukod dito, marami nga namang manggagawa na apektado na kumikita lamang ng maliit at araw-araw na sumasakay ng jeep.

Well, kapag nagtaas ng pasahe sa jeep, talagang ang mga mananakay naman ang maaapektuhan.

Kailangan talagang pag-aralan itong mabuti.

At kailangan lang din siguro dito ang unawaan.

Kung mapagbibigyan ang mga tsuper, balansehin na rin lang ito sa panig naman ng riding public at huwag namang masyadong taasan ang taas-pasahe.