HUMILING ng temporary restraining order (TRO) ang dalawang kompanya ng langis upang mapigilian ang pagpapatupad ng “unbundling policy” sa mga produktong petrolyo laban sa pamunuan ng Department of Energy (DOE).
Ang dalawang kompanya ng langis na naghain ng TRO laban sa DOE ay ang Shell at ang Petron Corporation.
Isinumite ng Shell ang kanilang TRO sa Taguig City Regional Trial Court samantalang ang Petron Company ay sa Mandaluyong City Regional Trial Court.
Nauna nang gumawa ng kahalintulad na hakbang ang mga grupo ng Petroleum Institute of the Philippines (PIP) sa isang korte sa Makati City noong nakaraang buwan.
Ang paghahain ng TRO ng mga naturang kompanya ng langis ay base sa kontra ang mga ito sa kautusan ng DOE na magsumite ng detalyadong cost computations ng kanilang mga produktong-petrolyo at Liquefied Petroleum Gas (LPG).
Nabatid na ayaw ng dalawang kompanya sa polisiya ng kagawaran na iulat ang kanilang kita.
Ayon sa Shell bagamat kinikilala nila ang mandato ng DoE na subaybayan ang paggalaw ng presyo ng langis ay naniniwala ang mga ito na ang naturang utos ng ahensiya ay magiging daan para sa pagbabalik ng regulasyon sa industriya.
Sinabi pa ng oil companies na malabo ang polisiya at imposibleng masunod ang kagustuhan ng ahensiya.
Ang inihain ng PIP sa korte ay “Petition for Declaratory Relief with Application for a Temporary Restraining Order and/or Preliminary Injunction” laban sa Circular no. DC2019-05-0008 ng DOE.
Nabatid na sa Hunyo 29 ng taong kasalukuyan magiging epektibo ang circular ng ahensiya. (Marivic Fernandez)
Comments are closed.