OIL EXCISE TAX HIKE, 3 BUWANG SUSPENDIDO

SINUSPINDE na ng Department of Finance (DOF)  ang P2 kada litro na fuel excise tax sa unang tatlong buwan simula Enero sa 2019.

Ito ang inihayag ni Finance Undersecretary Karl Kendrick Chua sa kanyang pagdalo sa pagdinig ng Senate economic affairs committee na pinamumunuan ni Senador Sherwin Gatchalian.

Ayon kay Chua, hindi na kailangang ipasa pa sa Kongreso ang pagpapatupad sa suspensiyon ng excise tax na naging dahilan ng pagtaas ng inflation alinsunod na rin sa mandato ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Ang naturang pagdinig ng komite ay bunsod ng resolusyon na inihain ng mga senador na nagpapasuspinde sa fuel excise tax bilang hakbang upang maagapan ang inflation na patuloy na tumataas.

Sa ilalim ng TRAIN Law, maaaring awtomatikong suspendihin ang koleksiyon sa excise tax sa loob ng tatlong buwan kung ang halaga ng krudo sa world market ay umabot sa $80 kada bariles.

Sa nasabing resolusyon, naniniwala ang mga senador na ang pagtanggal sa excise tax na  P2 kada litro mula sa TRAIN Law ay makatutulong para manumbalik sa normal ang ekonomiya ng bansa.

Binigyang-diin ni Chua na ang koleksiyon ng pamahalaan mula sa TRAIN Law para unang taon ng 2018 ay umaabot sa P33.7 bilyon  na inaasahang aabot sa P63.3 bilyon sa susunod na taon.

Gayundin, nilinaw ni Chua na ang rekomendasyon ng DOF para sa awtomatikong suspensiyon ng koleksiyon ng excise tax ay nakapaloob sa TRAIN Law.

Aniya,  aabot sa mahigit $80 kada bariles ang presyo ng produktong petrolyo mula Oktubre hanggang Enero ng susunod na taon.

Matapos ang tatlong buwang suspensiyon ay hindi pa batid kung kailan muling ma­ngongolekta ng excise tax.

“After a three-month suspension of the collection of excise tax, the TRAIN law is less clear on when we can resume’’ collecting the excise tax,” diin ni Chua.

Sa ngayon, aniya, ay tinatalakay pa kung ang suspensiyon ay palalawakin hanggang buong taon ng 2019.

‘’The Secretary (Carlos Dominguez) has opined that if the suspension is based on three months, then the resumption could be based on a three-month cycle. That is his opinion we are discussing it,’’ dagdag pa niya. VICKY CERVALES