OIL EXCISE TAX HIKE SA 2019

OIL EXCISE TAX

NAKATAKDANG suspendihin ng pamahalaan ang ikalawang bugso ng excise tax sa mga produktong petrolyo sa susunod na taon.

Ayon kay Finance Assistant Secretary Antonio Joselito ‘Tony’ Lambino II, hindi muna ipatutupad ng gobyerno ang pagtaas ng excise tax, na epektibo sa  Enero 2019.

“As announced by Bong Go, the President is making an early announcement of the temporary suspension of the January 2019 oil excise increase under the TRAIN Law,” wika ni Lambino.

Naunang inanunsiyo ng Special Assistant to the President ang suspensiyon sa pagbubukas ng TienDA Malasakit Store sa Taguig City kahapon.

Ayon kay Go, pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang kautusan hinggil sa suspensiyon ng P2 excise tax sa langis na epektibo sa Enero ng susunod na taon.

Aniya, ito ang nakikitang solusyon ng Pangulo sakaling magpatuloy pa ang pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Nilinaw ni Go na ang suspensiyon ay para lamang sa ikalawang bugso makaraang magpasa ng Senate resolution na humihiling na huwag munang ipatupad ang excise tax, at mananatili ang unang bugso noong Enero 2018.

“Effective January pa po ‘yung magiging suspension. Ina-anticipate lang po natin sakaling hindi po mapigilan ‘yung presyo ng crude oil sa market. He [President Rodrigo Duterte] is very concerned talaga rito sa pagtataas ng presyo ng langis,” dagdag pa niya.

Nilagdaan bilang batas noong Disyembre 2016 ni Pangulong Duterte, pinalawig ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) ang value-added tax (VAT) base at binawasan ang personal income taxes (PIT) simula noong Enero ng kasalukuyang taon.

Sa ilalim ng batas, ang excise taxes sa diesel fuel ay tataasan ng P2.50 per liter ngayong taon, habang ang excise taxes sa gasolina ay tinaasan ng P7.00 per liter.

Nakasaad din sa batas na simula sa 2019, ang excise taxes para sa diesel ay tataasan ng P4.50 at ang gasolina ng P9.00 sa ilalim ng second tranche.

Gayunman, ang pagtaas ay maaaring suspendihin kapag ang average price ng Dubai crude ay lumagpas sa $80 per barrel  sa loob ng tatlong buwan.

“Today’s price and multiple estimates of crude prices over the next two months show that the average price will stay above the $80 threshold, and it is therefore being announced early that the suspension mechanism will be activated,” paliwanag ni Lambino.

“This announcement is being made two months before the time required by law, to proactively anchor inflation expectations and enhance the welfare of the Filipino people,” dagdag pa niya.

Comments are closed.