MULING nagbabala ang Department of Finance (DOF) na posibleng ipasara ang mga kompanya ng langis na magpapatupad ng ikalawang bugso ng excise tax sa kanilang mga produkto na bahagi pa ng kanilang 2018 inventory.
Ayon kay Finance Assistant Secretary Tony Lambino, maaari lamang ipatupad ng oil companies ang dagdag na excise taxes kung naubos na ang kanilang inventories mula sa nakaraang taon.
Ginawa ni Lambino ang babala sa harap ng mga ulat na anim na gasoline stations ang nahuli na nagpapatupad na ng ikalawang bugso ng excise tax sa kanilang mga produktong petrolyo
Aniya, kapag nahuling lumalabag ang mga kompanya ng langis ay mahaharap ang mga ito sa administrative sanctions tulad na lamang ng pagpapasara sa kanilang negosyo o pagbawi sa kanilang lisensya.
Bukod dito, maaari rin silang maharap sa criminal liabilites, katulad na lamang ng estafa.
Sinabi ni Lambino na mahigpit nilang binabantayan ang mga gasoline station.
Kaugnay nito ay pinayuhan ng opisyal ang mga motorista na i-report ang mga gasoline station na nagbebenta ng produkto sa kahina-hinalang presyo.
Samantala, agad namang dumipensa ang mga oil company kaugnay sa nakaambang unang oil price hike para sa taong 2019.
Nilinaw nila na hindi pa ito ang epekto ng excise tax na nakatakdang ipataw sa oil products sa pagsisimula ng taon.
Nauna nang sinabi ng Department of Energy (DOE) na posibleng sa kalagitnaan ng buwan o bago magkatapusan umiral ang bagong presyo ng mga produktong petrolyo, sang-ayon sa ikalawang bugso ng fuel excise tax.
Sinasabing tatagal pa hanggang ngayong buwan ang buffer stock ng mga kompanya ng langis kaya dapat ay pagkatapos pa ng ikalawa hanggang ikaapat na linggo ng Enero maipatutupad ang dagdag na excise tax para sa mga aangkating produkto.
Inaasahang maglalaro sa P0.80 hanggang P0.90 ang dagdag sa presyo ng gasolina kada litro ngayong linggo.
Maglalaro naman sa P0.60 hanggang P0.70 kada litro ang itataas ng presyo ng diesel, samantalang P0.50 naman sa bawat litro sa kerosene o gaas.
Sa Martes ng umaga inaasahan ang pagpapatupad ng price hike sa mga produktong petrolyo. VERLIN RUIZ
Comments are closed.