OIL FIRMS NAGPETISYON PARA ITIGIL ANG PAGHIMAY SA PRESYO NG PETROLYO

PETROLYO-17

NAGPETISYON kama­kailan ang ilang grupo ng oil companies sa Makati court para pigilan ang napipintong pagpapatupad ng Department of Energy (DOE) circular na kinakailangan nilang maghimay o mag-“unbundle” o isiwalat ang mga detalye ng pres­yo at adjustments ng kanilang produkto ng petrolyo.

Sinabi ng Philippine Institute of Petroleum Inc. (PIP) na sila ay nagsampa ng “Petition for Declaratory Relief with Application for a Temporary Restraining Order and/or Preliminary Injunction” laban sa DOE Department Circular No. DC2019-05-0008.

Nabibilang sa PIP na miyembro ang Chevron Philippines Inc., Isla LPG Corp., Petron Corp., Pilipinas Shell Petroleum Corp., PTT Philippines Corp., at Total Philippines Corp.

Sinasabi sa circular na kailangan ng oil companies na abisuhan ang DOE ng hindi lalampas sa alas-3:00 ng hapon ng araw bago magpatupad ng kahit anong price adjustment o non-adjustment, bago mag-anunsiyo ito sa publiko.

Para naman sa li­quefied petroleum gas (LPG), dapat mag-abiso ang mga kompanya sa DOE na hindi lalampas sa huling araw ng buwan para sa anumang price adjustment.

May mandato rin ang fuel companies na maghimay o mag-“unbundle” o magbigay sa DOE ng kanilang detalyadong kuwenta na may kalakip na eks­planasyon at  kaakibat na dokumento tungkol sa dahilan o paliwanag tungkol sa price adjustment.

“Petitioners contend that the DOE circular contravenes the dyna­mics of a deregulated oil market,” sabi ng PIP.

“The relief sought is necessary to protect the industry and the public and to foster market-driven competition,” sabi pa nila.

Noong Mayo ng nagdaang taon, sinabi ng Ener­gy department na ang paghimay o unbundling ng presyo ng petrolyo ay magbibigay sa mga konsyumer ng “sense of transparency” dahil ang bansa ay dumaranas ng mataas na inflation dala ng mataas na presyo ng langis.

Ang paghimay ng pres­yo ng petrolyo ay magbibigay sa konsyu­mer ng kaalaman kung ano ang kanilang binabayaran na magpapakalma sa kanila.

“As the DOE Circular becomes effective on 29 June 2019, petitioners are likewise seeking injunctive relief to stop its implementation until the case is heard and decided on the merits,” sabi ng PIP.

Sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi na  nirerespeto niya ang karapatan ng oil companies na humanap ng legal na remedyo.

“That’s their right and I respect that,” pahayag niya.

Hindi pa nakikita ng Energy official ang petisyon ng PIP sa paglabas ng balitang ito.

Comments are closed.