OIL MILL NASUNOG NAPINSALA NASA P85-M

QUEZON- MAHIGIT na apat na oras na tinupok ng apoy ang isang oil mill nagsimulang sumiklab nitong Huwebes ng madaling araw.

Ayon kay FSupt. Rodel Nota, hepe ng BFP-Lucena, nagsimula ang sunog dakong alas-4:25 ng madaling araw at tinupok ang Mt. Holy Oil mill na nasa Purok Jasmin, Brgy. Domoit, Lucena City.

Umabot ang sunog sa ikatlong alarma na nirespondehan ng mga pamatay sunog mula sa Lucena City BFP at mga katabing bayan at lungsod ng Tayagas City, Sariaya at Pagbilao BFP.

Idineklarang fire out under control ang sunog dakong alas-8:30 na ng umaga.

Sinasabing nagsimula ang apoy sa imbakan ng “palyat” na ginagamit sa paggawa ng langis mula sa niyog.

Sa inisyal na pagtaya ng BFP-Lucena, umaabot sa nasa P85 milyon ang halaga ng napinsala.

Wala namang naiulat na may nasugatan o nasawi sa nasabing sunog at
inaalam pa ng mga awtoridad kung may iba pang dahilan ang pinagsimulan ng sunog. BONG RIVERA