OIL PRICE HIKE UTAY-UTAYIN

OIL PRICE HIKE

SAKALING tumaas ang presyo ng petrolyo na epekto ng pagpapasabog sa oil facility sa Saudi, nakahanda ang mga independent oil company na utay-utayin ang inaasahang dagdag-singil.

Inihayag ito ng  Independent Philippine Petroleum Companies Association (IPPCA) upang hindi masakit sa bulsa ng mga motorista at mga drayber.

Iniulat na sa unang araw ng kalakaran sa pandaigdigang merkado, sumirit ang presyo ng langis kasunod ng pagsabog sa Saudi Arabia.

Nasa P2.48 hanggang P2.60 ang itiniaas ng kada litro ng gasolina, at P1.50 sa kada litro ng diesel at kerosene.

May apat na araw pa ng trading o pangangalakal na maaaring magpahupa o magpalobo sa presyo.

Kaugnay nito ay pinamamadali naman ni Ener­gy Secretary Alfonso Cusi ang pagbuo ng “strategic oil reserve” ng gobyerno na iaangkat ng Philippine National Oil Company-Exploration Corporation (PNOC-EC) bilang pang-emergency sakaling magkaproblema sa suplay at presyo ng langis sa mundo.

Una nang pinlano ng PNOC-EC na mag-angkat at mag-imbak ng petrolyo para maibenta sana noon nang mas mura sa transport sector pero nagkaproblema sa supplier kaya naantala ang programa.

Nasa P2 bilyon ang pondo sa paunang import na 50,000 metriko tonelada o 60 milyong litro ng diesel.

Comments are closed.