POSIBLENG magresulta sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ang naganap na terror attack sa ilan sa oil tankers ng Saudi Arabia noong nakaraang linggo.
Ayon kay King Salman ng Saudi Arabia, kailangang mabigyan ng karampatang aksiyon ng iba pang Islamic countries ang naturang pag-atake na ibinibintang naman niya sa Iran.
Sa kanyang pagsasalita sa Organization of Islamic Cooperation (OIC) summit sa Mecca, inakusahan ng Saudi top official ang Iran na umano’y pinagmumulan ng mga terror attack sa iba pang Islamic countries.
Hindi naman sumipot sa nabanggit na summit ang mga kinatawan ng Iran at Turkey.
Bukod sa pag-atake sa kanilang mga oil tanker ay inakusahan din ng Saudi ang Iran ng pagsasagawa ng drone attack sa ilan sa kanilang oil pipelines, bagay na pinabulaanan ng Iran.
“We confirm that terrorist actions not only target the kingdom and the Gulf region, but also target the safety of navigation and world oil supplies,” sabi ni King Salman.
Nauna nang sinabi ng US na ang Iran nga ang nasa likod ng sunod-sunod na mga pag-atake.
Bilang buwelta ay inakusahan naman ng Iran ang US na nakikisawsaw lang sa isyu para mabuhay ang sigalot sa hanay ng ilang Islamic states.
Comments are closed.