INAASAHANG magtutuloy-tuloy hanggang sa dulo ng taon ang mga bawas sa presyo ng petrolyo, ayon sa isang opisyal.
Ayon kay Rodela Romero, assistant director ng Oil Industry Management Bureau, maaaring hanggang Disyembre pa ang pagbaba ng presyo ng langis dahil sa galaw ng presyo nito sa pandaigdigang merka-do.
“Kung ang pagbabasehan natin ng presyuhan lang ay iyong Dubai crude, presyo ng Dubai crude, mukhang tuloy ang ligaya… dahil medyo pababa siya hanggang January,” ani Romero.
“Pero may iba pang factors na dapat nating i-consider na ‘di natin kayang i-control,” dagdag ni Romero.
Sang-ayon naman si Ramon Villavicencio, dating pangulo ng Independent Philippine Petroleum Companies Association, na magtutuloy hanggang Disyembre ang pagbabawas.
“Ang tantiya ko, mga anim pang rollback,” ani Villavicencio.
Sa ikaapat na sunod na linggo, muling nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng bawas sa presyo ng petrolyo.
Ang iba ay nagpatupad na simula pa noong Linggo habang ang iba ay magpapatupad pa lang sa Martes.
Naglalaro sa P0.90 haggang P1 ang bawassingil sa kada litro ng diesel, P1 hanggang P1.10 sa gasolina, at P0.65 naman sa kerosene.
Sa apat na linggo, o mula Oktubre 14 hanggang Nobyembre 6, narito ang kabuuang tapyas sa presyo ng petrolyo: Gasolina – P5.20 hanggang P5.30 kada litro; Diesel – P3.05 hanggang P3.15 kada litro; Kerosene – P2.40 hanggang P2.42 kada litro.
Comments are closed.