OIL SLICK MULA SA LUMUBOG NA BARKO UMABOT NA SA METRO MANILA

UMABOT na sa San Rafael 4 Long Beach sa Noveleta area sa Cavite ang oil spill ng lumubog na MT Terra Nova sa Bataan. Ipinakikita ng mangingisdang ito na nahalo na ang langis sa mga buhangin at halaman sa lugar. Kuha ni NORMAN ARAGA

INAASAHANG lalawak pa ang oil slick mula sa lumubog na oil tanker na MT Terra Nova sa karagatang bahagi ng Limay, Ba­taan.

Sa inilabas na panibagong bulletin ng UP Marine Science Institute, posibleng umabot na rin ngayong araw ang tagas ng langis sa Metro Manila.

Batay ito sa oil spill trajectory model kung saan makikita ang posibleng maging daloy ng langis alinsunod sa umiiral na mga pattern ng panahon at kondisyon.

Ayon sa UP MSI, umabot na kamakalawa sa ibang bahagi ng Ca­vite ang tagas ng langis partikular sa Noveleta, Rosario, Tanza, Naic at Ternate.

Una nang sinabi ni DENR Sec. Maria Antonio-Yulo Loyzaga na pinakilos na nito ang Environmental Management Bureau (EMB) para matugunan ang epekto ng oil spill.

Bumuo na rin ng Inter-agency task force ang DILG upang mabilis na maaksyunan ang oil spill incident sa Limay, Bataan.

Mahigpit na rin na nakikipagtulungan ang BFAR  sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para maibsan ang epekto ng oil spill partikular ang potensyal na epekto nito sa marine life at kalusu­gan ng publiko.

P ANTOLIN