AKLAN – MATINDI ANG monitoring ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan dahil sa posibleng oil spill sa lumubog na cargo vessel sa baybaying sakop ng Barangay Sambiray, Malay.
Ang nasabing baybayin ay patungong Boracay.
Sinabi ni Lt. Commander Joe Luis Mercurio, PCG-Aklan commander, ang Bato Twin Barge na pagmamay-ari ng Island Ventures Corporation ay may kargang limang truck ng pinong buhangin at isang loader nang lumubog sa naturang lugar.
Nailigtas naman ang kapitan ng barko na si Rolando Casibu kasama ang 12 pang crew nito.
Ang sasakyang-pandagat ay nagmula sa Sambiray Port at papunta sana sa Manoc-manoc Port sa Boracay.
Sinabi ni Lt. Commander Mercurio na hinampas ng malalaking alon ang barko at nabasa ang mga buhangin na lalo pang nagpabigat sa karga nito.
Ngunit, itinanggi ng PCG ang anggulong overloading, bagkus ay binabantayan umano nila ang lugar sakay ng kanilang bagong barko mula sa France na BRP-Boracay.
Handa rin ang kanilang mga gamit kagaya ng fence boom at dispersants sakaling magkaroon ng pagtagas ng langis.
Sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan sila sa may-ari ng barko sa pag-salvage sa ilang bahagi nito upang hindi makasagabal sa paglayag ng iba pang sasakyang pandagat na dumadaan sa lugar.
Comments are closed.