PINANGANGAMBAHANG magdulot ng malawak na oil spill sa Manila Bay ang paglubog ng isang oil tanker na kargado ng 1.4 million liters ng industrial fuel sa Lamao Point, Limay, Bataan.
Sa nasabing insidente, isang crew member ang nawawala at 16 iba pa ang naisalba.
Nagkukumahog naman ang Philippine Coast Guard at Department of Environment and Natural Resource kung paano mapipigilan ang epekto lalo na ang pagtagas ng langis.
Ayon sa PCG, pinangangambahang na magresulta ito ng oil spill na masasabing pinaka grabe at pinakamalawak sa kasaysayan dahil sa laki ng volume ng industrial fuel na karga ng lumubog na MT Terra Nova.
“We were able to rescue 16 out of 17 crew, one is missing,” ayon kay Transport Secretary Jaime Bautista.
Ayon kay PCG Spokesperson, CG Rear Admiral Armando Balilo na patuloy ang search and rescue operation para sa nawawalang tripulante ng Philippine-flagged oil tanker.
ALON NAKASALUBONG, SUMALOK NG TUBIG
WALA naman umanong typhoon signal sa bahagi ng Bataan kaya pinayagang maglayag ang tanker at palabas pa lamang sila patungong Iloilo nang makasalubong ang malalaking alon.
Sinabi pa ni Balilo, sa kanilang pagsisiyasat ay nagpasya ang kapitan ng barko na bumalik ngunit dahil sumalok sila ng tubig dagat ay lumubog ang barko.
Sinabi ni Balilo na ito na ang pangalawang insidente ng paglubog ng oil tanker kasunod ng nangyaring paglubog sa may Mindoro na may kargang 800 libong litro kaya naman tinitignan nila ngayon kung kakailanganin ng ibang tulong mula sa ibang bansa.
Personal na nagtungo sa Limay, Bataan si DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga upang makapagsagawa ng aerial inspection sa nangyaring oil spill sa Lamao Point.
Aalamin ng kalihim ang lawak ng pinsala sa kapaligiran ng pagtagas ng langis mula sa tumaob na motor tanker.
Nabatid na agad ng pinakilos ang Marine environmental protection personnel matapos na mamataan na mayroon ng oil slick na may lawak na apat na kilometro na pinaniniwalaang nagmula sa tanker.
“We are racing against time and we will try to do our best to contain it immediately and stop the fuel from leaking,” anang tagapagsalita ng PCG.
Sa isang pahayag, sinabi ng DENR na pinaghahandaan nila ngayon na protektahan ang marine ecosystem at ang kalusugan ng publiko sa baybayin ng Bataan.
Sinabi ni Balilo na may nakikitang langis ngunit maaring ito ay gamit ng barko pero ang kargang langis ay wala pang indikasyon o senyales na tumagas.
Samantala patuloy ang search and rescue ng BRP Melchora Aquino ng Philippine Coast para sa nawawalang crew ng motor tanker habang pinasisimula na rin ang probe sa nasabing insidente.
VERLIN RUIZ/ PAUL ANG/ THONY ARCENAL