PINANGANGAMBAHANG maapektuhan ang produksyon ng isda sa ikalawang quarter ng taong 2023 dahil sa lawak ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Fernando Hicap, Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), tiyak na babagsak ang produksiyon ng isda kapag hindi agad nakabalik sa pangingisda ang mga residente.
Umabot na sa Palawan ang oil spill.
Sa talaan ng Philippine Statistics Authority (PSA), sa ikalawang quarter ng taong 2022, nakapag-ambag ang Palawan at Oriental Mindoro ng 86.79% at 2.57% sa regional fisheries production. Nangangahulugan ito ng 59, 895.53 metrikong tonelada ng local fisheries production.
“Kapag hindi agad nakapanumbalik ang pangingisda dahil sa tuloy-tuloy na pagkalat ng langis, tiyak na babagsak ang produksiyon ng isda sa kasalukuyan at sa susunod na kuwarto ng taon,” ani Hicap.
Sa tala ng BFAR ay nasa 13, 000 mangingisda na ang apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro pa lamang. Sinalanta na rin ang Palawan.
Sa Semirara island sa bayan ng Caluya, Antique, mahigit 1, 200 mangingisda ang hindi makapalaot kaya nanawagan ang grupo sa pamahalaan ng masusing paghahanda kasunod ng posibleng epekto ng oil spill sa produksyon ng isda.
Iginiit pa ng grupo na hindi dapat maging solusyon ng gobyerno ang pag-aangkat ng isda para mapunan ang posibleng kakulangan, dahil higit na makakapinsala ito sa lokal na produksyon at mga mangingisda.
Giit nila ay dapat na bigyan ng suportang pang-ekonomiya ang mga mangingisdang apektado ng oil spill. BEN REYES