OIL SPILL SA ORIENTAL MINDORO PINASISIYAT SA SENADO

PINAIIMBESTIGAHAN ni Senadora Cynthia A. Villar ang oil spill mula sa lumubog na tanker- ang MT Princess Empress dahil sa malawakang pinsala sa marine ecosystem at biodiversity.

Sa Senate Resolution 537 na inihain ni Villar, nais nitong siyasatin ng Senate committee on environment, natural resources and climate change ang dumaraming masamang epekto ng oil spill mula sa barkong lumubog sa karagatan ng Nauajan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28.

Bagaman natantiya na ang oil spill ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Coast Guard at Office of Civil Defense (OCD), wala pang konkretong aksyon para mapigil ang pagkalat nito.

Binanggit ni Villar ang panawagan ng local government units, mga apektadong residente at environmentalists sa agarang pagkilos para maiwasan ang paglawak ng pinsala na nakaaapekto sa kapaligiran, kabuhayan at kalusugan pati na rin industriya ng turismo.

Binigyan diin niya ang ulat ng UP- Marine Science Institute experts na posibleng maapektuhan ng oil spill ang mahigit 36,000 ektarya ng coral reefs, mangroves, at seagrass sa Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Palawan at Antique.

Sinabi rin ng chairperson ng Senate committee on environment and natural resources, na banta ang oil spill sa marine biodiversity ng Verde Island Passage, ang sentro ng marine biodiversity sa mundo. May ulat din ng mga patay na isda, marine life and sea birds.

“The oil spill has likewise affected the tourist destinations in Oriental Mindoro, such as the Bihiya Beach, 3 Cottage, Long Beach K. I, Aguada Beach Resort, Oloroso Beach Resort, Munting Buhangin Tagumpay Beach Resort, and Buhay na Tubig White Beach Resort in Oriental Mindoro, and even threatens to affect Boracay, the country’s premiere tourist destination,” ayon kay Villar.

“Apart from the environmental damage to the marine ecosystem, biodiversity, fisheries and tourism, the livelihood and health of the people in the area are already adversely affected by the said oil spill,” dagdag pa nito.
Base sa monitoring report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), siyam sa 13 bayan ng Oriental Mindoro ang apektado ng oil spill. May 10,362 pamilya o 48,885 katao ang apektado rin nito.

Lumubog ang tank ship habang naglalayag mula Limay, Bataan patungong Iloilo, karga ang 800,000 liters ng industrial fuel.
VICKY CERVALES