OIL TANKER HINAYJACK

QUEZON- TINANGAY ng mga hindi pa nakikilalang hijacker ang isang oil tanker na magdadala sana ng coco oil patungong Maynila sa Sariaya ng lalawigang ito kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Col. William Angway, Sariaya police chief, dakong alas-8 nitong Miyerkules ng gabi nang harangin ng limang suspek na sakay ng isang van ang oil tanker ng JAR Gold Enterprises na may plate number ZHR- 325 habang ito ay bumabagtas sa Eco tourism road ng Barangay Manggalang Kiling, Sariaya.

Ayon pa kay Angway, inutusan ng mga hijacker ang driver na si Arnel Abrea Gontanez, 29-anyos at pahinante nito na si Reynaldo Agao Tinamisan na imaneho ang sasakyan patungo sa Balayan, Batangas.

Nang makarating sa Balayan, piniringan ang dalawa at muling isinakay sa isa pang sasakyan at ibinaba sa Barangay Lumingon, Tiaong, Quezon.

Sa follow- up operation ng Sariaya police, natunton ang truck sa loob ng Triple King Trucking Compound sa Barangay Santol, Balayan habang bi­nabantayan ng mga inarestong caretaker na sina Kylel Aguarsin at Joel Caraan.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, napag- alaman na nawawala na ang ilang libong litro sa karga nitong nasa 37,000 litro ng coco oil na nagkakahalaga ng P1.1 milyon.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy kung sino ang responsable sa hijacking.
ARMAN CAMBE