BACOLOD CITY – Dinomina ni Rome Jhed Ojeno ng University of Negros Occidental-Recoletos (UNO-R) ang 100m dash, long jump at 4x400m tungo sa pagwawagi ng tatlong gintong medalya upang tanghalin bilang may pinakamarami na napagwagian sa pagpapatuloy ng kompetisyon dito ng 2024 Philippine Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games na ginanap sa Panaad Park and Stadium.
Ang 22-anyos na si Ojeno, na 2nd year Criminology student sa University of Negros Occidental-Recoletos (UNO-R), ay naghari sa 100m sa bilis na 10.9 segundo upang idagdag sa kanyang panalo sa men’s long jump sa tinalon nitong pinakamalayo na 6.32 metro.
“Gusto ko po makasama sa Air Force, kahit ano po muna trabaho at maging Air Force pilot,” sabi ng 2019 Palarong Pambansa Davao bronze medalist sa 4x100m relay at first time sa ROTC Games matapos na tulungan ang UNO-R sa pagwawagi sa 4x400m relay, Miyerkoles.
Binalewala ni Ojeno ang unang pagtakbo sa finals ng 100m bago nagsilbing anchor sa Air Force category sa 4×400 medley relay upang samahan sina Romeo Constancio, David Paul Balagat at John Lloyd Moreno sa pagtatala ng pinakamabilis na 3:40.10 oras.
Itinanghal namang pinakamabillis sa sangay ng Army sa 100m ang 19-anyos na si Ryan Panique Jr. na BS IT Major in Refrigeration and Airconditioning sa Carlos Hilado Memorial State U sa naitalang 11.8 segundo.
Pangalawa si Charles Ivan Fernando ng STI West Negros U (12.0s) at pangatlo si John Rey Deodato ng Capiz State U na may 12.1 segundo.
Wagi naman sa Navy sa Men’s 100m ang 20-anyos na BS IT sa Cebu Technological U na si Melvin Singson sa oras na 11.9 segundo.
Sumunod sa kanya sina Christian Aquino (12.1s) at Jude Allen Tolentino ng TUP Visayas (12.1s).
Pinakamabilis sa Air Force Women 100m event ang 2nd year BS Criminology sa UNO-R na si Marla Jean Bacaro sa oras na 13.5s para sa kanyang ikalawang ginto ngayong edisyon matapos na unang magwagi sa long jump (4.86m).
Una na siyang nagwagi ng gold noong 2023 sa 4×100 relay sa Visayas leg at 4×100 sa National finals.
Ang Army Women 100m dash ay napanulan ng 22-anyos na 3rd year BS Crimonology na si Princess Joy Gildore ng CHMSU sa itinalang 13.7 segundo.
Ang 20-anyos at dating Batang Pinoy medalist ay tinalo sina Jiescel Samon ng Bohol Istand State U (15.3s) at Julie Ann Doloritos ng Northern Iloilo State U (15.5s).
Wagi rin sa Long Jump (Army) si Charles Ivan Fernando ng STI West Negros U sa tinalon na 5.99 metro, habang sa Navy ay nanalo si James Gerald Rendal ng Saint Anthonys College (5.89m).
Samantala, nagwagi ng limang gintong medalya sa swimming si Jethro Yaun ng Army sa 50m breaststroke, 50m back, 100m free, 100m breast at 200m back at ang isa sa kambal na si Angela Maree Tabia sa 200m Individual Medley, 50m back, 100m back, 200m back at 4x50m relay.
CLYDE MARIANO