OKADA MANILA LALAGO PA

OKADA-1

INAASAHAN ang mas marami pang serbisyo at mas matatag na kinabukasan sa pamosong Okada Manila bilang sentro ng ‘gaming and complete entertainment’ sa bansa matapos na matagumpay na mabili ng ‘parent company’ nito ang mayorya ng mga sapi (shares) ng kompanya sa Philippine Stock Exchange.

Napag-alaman na binili ng Tiger Resort Asia, Limited (TRAL) na nakabase sa Hongkong ang 66.6 porsiyento ng Okada Manila mula sa Asiabest Group International, Inc. (ABI) na isang ‘listed company’ sa PSE.

Bunga nito, inaasahang ang bentahan ay magreresulta sa pagkarehistro sa PSE ng Tiger Resort, Leisure and Entertainment, Inc. (TRLEI) na siyang nangangasiwa sa Okada Manila. Ang TRLEI ay isa sa mga negosyong nasa ilalim ng TRAL.

Samantala, ang TRLEI ay orihinal namang pag-aari ng Universal Entertainment Corporation (UEC) ng 77-anyos na si Kazuo Okada at isa ring rehistradong kompanya sa Tokyo Stock Exchange.’ Si Okada ay tinaguriang ‘Panchinko King’ sa Japan at Hongkong.

Bunga naman ng internal na sigalot, tuluyang inalis si Okada bilang chairman sa UEC Group at TRLEI noong 2017, nang alisin siya bilang chairman ng Okada Holdings, Ltd. (OHL) na  nakabase sa Hongkong at majority owner naman ng UEC Group.

Sa mga ulat sa media, nagdesis­yon ang magkapatid na Tomohiro at Hiromi Okada na alisin ang kanilang ama sa OHL at mga negosyo sa ilalim nito dahil sa ilang insidente ng pandaraya sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo.

Ang pag-alis kay Okada sa puwesto ay kinumpirma naman sa naging desisyon nitong Enero 25 ng Tokyo District Court kung saan kinatigan din ang legalidad ng ‘trust agreement’ ng magkapatid.

Sa naging desisyon ng Tokyo District Court nitong Enero 25, pinagtibay rin ang ‘trust agreement’ nina Tomohiro at Hiromi at nagpatunay na may batayan ang kanilang desisyon na alisin si Okada bilang chairman ng OHL at UEC Group.

Ayon pa sa TRAL, “The Tokyo ruling effectively confirms the legality of the removal of Mr. Okada and makes it almost impossible for him to regain control of OHL, UEC and its subsidiaries, including Okada Manila.”

Pinag-aaralan na rin sa ngayon ang pagpapalit ng pangalan ng nasabing resort upang tuluyang putulin ang ano mang kaugnayan nito kay Kazuo Okada.

Buwan ng Hulyo noong nakaraang taon, hinuli rin si Okada at isinailalim sa 10-oras na imbestigasyon ng Hongkong Independent Commission Against Corruption (HK-ICAC) dahil sa isyu ng panunuhol kaugnay sa operasyon ng OHL.

Inatasan din ng ICAC si Okada na manatili sa Hongkong kahit isang beses bawat buwan sa bawat taon sa kabuuan ng imbestigasyon kapalit ng hindi pagtugis sa kanya saan mang panig ng mundo bilang isang wanted criminal.

Comments are closed.