OKOY NA KALABASA

OKOY NA KALABASA

(ni CYRILL QUILO)

ANG KALABASA ay kilala ng mga bata lalo na kapag sasapit ang Halloween o Undas dahil ginagamit itong pandekorasyon. Kinagigiliwan nga naman ito ng mga bata.

Ngunit sa matatanda, ang kalabasa ay isang gulay na kilala natin na mayaman sa Vitamin A na nakapagpapa­linaw ng mga mata.

Bukod sa Vitamin A, mayaman din ang kalabasa sa calcium fat, carbohydrates, fiber, Vitamin C, potassium, copper, manganese at Vitamin B2. Mataas din ang taglay nitong anti-oxidant na nakababawas sa chronic diseases at cancer.

Bukod pa rito ay nagpapalakas din ito ng immune system. Nagpapababa ng timbang. Nilalabanan din ng gulay na ito ang sakit na cancer. Samantalang ang Vitamin C, potassium at fiber naman na taglay ng kalabasa ay mainam upang maiwasan ang heart attack. Maganda rin sa balat ang kalabasa.

Sa rami nga naman ng benepisyo o kagandahang naidudulot ng kalabasa sa bawat isa sa atin, tama lang na kahiligan natin ito. Abot-kaya lang din ang presyo nito at mabibili mo sa grocery man o palengke.

Marami ring luto ang puwedeng gawin sa kalabasa. Kung minsan ay iginigisa ito. Minsan naman ay nilalagyan ng gata.

Bukod sa mga nabanggit ay may simpleng recipe pa na maaaring lutuin sa bahay at siguradong magugustuhan ng mga bata dahil sa manamis-namis na lasa nito. At ang recipe na iyan ang Okoy na Kalabasa.

Mahirap nga namang pakainin ang mga bata kaya dapat lang na mag-isip tayo ng mga recipe na maiibigan nila. Ngunit bukod sa masarap, dapat ay hindi rin nila mapansin na gulay ang ipinapakain o inihahain natin sa kanila. Mahirap pa namang pakainin ang mga bata ng gulay sa panahon ngayon.

Kaya’t ang isang solus­yon nang mapakain ang mga bata ng gulay ay ang pagluluto ng mga kakaibang recipe na masarap at crunchy. Gaya na nga lang ng Okoy na Kalabasa.

OKOY NA KALABASA

Sa mga gustong subukan ang paggawa nito, ang mga kakailanganing sangkap sa pagluluto ay ang kalabasa na hiniwa ng pahaba tulad ng sa French fries, dalawang pirasong itlog, kaunting harina at tubig.

PARAAN NG PAGLULUTO

Matapos na maihanda ang lahat ng mga sangkap ay hugasan na ang kalabasa saka hiwain ito nang naa­ayon sa dapat na laki. Pagkatapos ay pagsama-samahin na ang lahat ng mga sangkap sa isang lalagyan. Kapag nahalo na itong mabuti ay magsalang na ng kawali. Lagyan ito ng mantika at painitin. Kapag mainit na ang mantika, gumawa ng flat o pormang okoy mula sa mixture saka ito prituhin. Siguradu­hing pantay ang pagkakaluto ng bawat side.

Kapag naluto na ang lahat ng okoy, patuluin ito nang matanggal ang dumikit na mantika.

Ihanda at pagsaluhan ng buong pamilya.

Kahit na walang sawsawan ay masarap itong pagsaluhan.

Hindi nga naman kaila­ngan pang gumastos ng mahal para may maihanda sa buong pamilya.

Kahit na smpleng lutuin lang ay puwede nating mapasarap lalo na kapag tayo ang naghanda nito.

Kaya’t ano pang hinihintay ninyo, subukan na ang Okoy na Kalabasa. (photos mula sa justonecook-book.com, relaxlangmom, scrummier.com)

Comments are closed.